Inihayag ni Jewel Mische na hindi niya pinangarap na maging artista, at nagkaroon siya ng mga pag-aalinlangan na tumanggap ng mga proyekto dahil sa kaniyang pagiging konserbatibo.
“Na-enjoy ko ba, nagustuhan ko ba in the beginning? No. To be honest it wasn’t my dream, hindi ko rin siya pangarap maging artista. I was just plunged into it really young,” sabi ni Jewel sa panayam sa kaniya ni Paolo Contis sa online talk show na “Just In.”
“Kasi ‘yung family ko tsaka ‘yung mommy ko ang gustong mag-artista ako noong umpisa. Kaya rin ako nag-join ng StarStruck kasi I wanted to make her happy,” pagpapatuloy ni Jewel.
Pero kahit hindi siniseryoso ni Jewel ang pag-aartista sa umpisa, inihayag niya na natutunan niya na ring mahalin ang kaniyang propesyon.
“Noong nag-start laro-laro lang. Actually hindi nga ako focused eh. Pero later on, I fell in love with it, sa craft. Na-enjoy ko na siya,” paglalahad niya.
Itinanghal si Jewel bilang Ultimate Sweetheart sa ika-apat na season ng StarStruck noong 2004. Ka-batch niya sina Kris Bernal, Aljur Abrenica at Mart Escudero, Rich Asuncion, Paulo Avelino at iba pa.
Napanood si Jewel sa mga programa ng Kapuso Network tulad ng Magic Kamison: Black Jewel in the Palace, Fantastic Man, Mga Mata ni Anghelita at marami pang iba, bago siya lumipat ng network.
“Noong nag-end ‘yung contract ko [sa ibang network], hindi na ako nag-renew kasi that was the time na-meet ko na rin si Alister (kaniyang asawa),” saad ni Jewel.
“Since showbiz wasn’t my first love, it was easy for me to quit,” saad niya.
Inilahad ni Jewel na ipinagdasal niya sa Maykapal noon kung ano ang susunod niyang gagawin nang malapit nang matapos ang kaniyang showbiz contract.
“I was praying to the Lord na ‘What should I do next?’ kasi nga hindi ko first love ‘yung showbiz talaga,” paliwanag niya kay Paolo.
Pag-amin pa ni Jewel: “And honestly never kong naramdaman na I fit in.”
Ayon sa kaniya, dahil din ito sa kaniyang pagiging konserbatibo.
“Kasi nga nagsimula din ‘yon na hindi siya talaga ‘yung pangarap ko. Tapos honestly kasi ‘yung pagiging conservative ko, ang dami kong restrictions. ‘Yun talaga ‘yon,” anang aktres.
“Ang dami kong restrictions na mas marami akong ni-reject na project kaysa in-accept. Nafu-frustrate ako, nafu-frustrate ang management. Noong patapos na ‘yung contract, I was thinking, ‘Should I renew? Should I pursue it?’ ‘What will I do kung mag-quit ako?’”
Nang makilala na ni Jewel ang asawa na niya ngayong si Alister Kurzer, napadali na sa kaniya ang pag-iwan sa showbiz.
“Tapos na-meet ko si Alister. And then napadali ang decision ko. Kasi ayun na, magbubuhay-pamilya na. Kasi ‘yun talaga ang gusto ko in the first place,” saad niya. --FRJ, GMA Integrated News