Inilahad ni Winwyn Marquez ang kaniyang bersyon tungkol sa namagitan sa kanila noon ni Alden Richards, at sinabing itinuturing niyang tunay na “good friend” ang aktor.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, kinuha ni Tito Boy ang panig ni Winwyn tungkol sa pahayag ni Alden noon na “muntik” umano silang naging magkarelasyon.
“Hindi ko kasi alam kung nanligaw ba talaga siya. Kasi si Alden, I don’t know if may misunderstanding or anything. He’s really kind, malambing siya, mabait siya. And I feel like he’s like that to everyone. Sobrang bait kasi niya. And we can talk anything about under the sun. So I just felt like he was a really good friend,” saad ng actress-beauty queen.
Pinabulaanan ni Winwyn na nanligaw sa kaniya ang aktor.
“Wala naman pong gano’n,” saad niya.
“When you learned na ‘muntik,’ how did you react?” tanong ni Tito Boy kay Winwyn.
“Wala naman po kasi tapos na eh. I don’t want to go back and dwell in the past because kahit anong sabihin natin, I’m so proud of him.”
Inihayag ni Winwyn na proud siya para sa kaniyang kaibigan at sa mga narating nito.
“I’m so proud of his success. Seeing a friend na ginawa niya talaga ‘yung gusto niyang gawin, I would support him all the way. And we remain good friends,” sabi ni Winwyn.
Sa panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Enero, inihayag ni Alden na dalawa sa mga artistang muntikan niyang makatuluyan sina Julie Anne San Jose at Winwyn.
"For some reason because of work. Busy siya, busy din po ako," saad ni Alden tungkol sa namagitan sa kanila noon ni Winwyn.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News