Itinanghal si Gladys Reyes bilang best actress sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival (MMFF), para sa magaling niyang pagganap sa pelikulang “Apag.”
Ginampanan ni Gladys ang role ni Nita Balagtas. Sa direksyon ni Brillante Mendoza, ang “Apag” ay kuwento ng mayamang si Raphael, na nasangkot sa isang nakamamatay na aksidente sa kotse ngunit sinubukan niyang pagtakpan ang insidente.
“Ama, maraming salamat po sa biyayang ito. Muli po sa mga hurado na pinangungunahan ni Bb. @dollyedeleon salamat, naniwala po kayo sa kakayahan ko,” pasasalamat ni Gladys sa kaniyang Instagram.
Matapos nito, pinasalamatan ni Gladys sina Direk Brillante sa tiwala, Jaclyn Jose para sa paggabay, at kay Coco Martin sa pagpayag na gawin ang pelikula.
Inaalay ni Gladys ang pagkapanalo sa kaniyang yumaong ama.
“Para ito sa papa ko, Papa Sonyer[. Kung] buhay lang [siya] siguradong tuwang tuwa [siya],” saad niya.
“[At] sa Apo Sessia ko, na sa [kanya] ako natuto mag [Kapampangan],” dagdag ni Gladys.
Pinasalamatan din ni Gladys ang kaniyang ina, mga kapatid, kaibigan at manager na si Lolit Solis.
Higit sa lahat, pinasalamatan din ni Gladys ang asawang si Christopher Roxas at ang kanilang mga anak.
“Ang totoong napanalunan ko sa buhay! Asawang nagmamahal sa lahat ng panahon at pagkakataon,” caption ni Gladys tungkol kay Christopher.
“Pag-uwi ko kagabi, sa kanya ko unang inabot ang award ko, kung di sa malawak nyang pang-unawa na kailangan ko magshoot ng ilang araw sa Pampanga baka di ko nagawa ang Apag. Yung pag-intindi na gusto ko talaga ang pag-arte mula bata ako at kahit kelan di nya ko pinigilan sa pangarap ko,” sabi ni Gladys.
“Salamat bebe sa matyagang pagsuporta kahit minsan napipilitan ka lang dahil mas masaya kang magmasid ng tahimik sa malayo dahil mas nakikita mo ang kabuuan ng kaganapan,” pasasalamat ni Gladys kay Christopher.
“Mahal kita Mr. Sommereux @christopherroxas 30 years ago hanggang ngayon kasama ng apat nating mga anak.
Salamat sa inspirasyon.”
—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News