Inihayag ni Mark Bautista na lumayo ang ilan niyang mga kaibigan at nagkaroon ng limitasyon sa kaniyang roles bilang aktor mula nang aminin niya na isa siyang bisexual. Sa kabila nito, hindi niya pinagsisihan ang ginawa niyang pagpapakatotoo.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinalakay ni Mark ang mga naranasan niyang tagumpay matapos lumabas ang kaniyang librong "Beyond the Mark," na naglalahad ng kaniyang tunay na sekswalidad.
"The freedom... Ang hirap mag-apologize sa isang bagay na totoo, like my truth. Wala akong regret," sabi ni Mark.
Kahit na tuloy-tuloy ang kaniyang singing career, sinabi ni Mark na nagkaroon naman ng limitasyon sa mga natatanggap niyang offer sa telebisyon.
"In terms sa music, I feel like nagkakaroon ako ng shows naman, it's the same, parang walang nagbago. But I think dahil uma-acting ako nagkaroon na ng limitation 'yung binibigay na offers or mas stereotyped 'yung role na puwedeng ibigay sa akin," paglalahad niya.
"Isn't that unfair to you as an actor?" tanong ni Tito Boy.
"I think so kasi gusto ko pa ring gawin na like normal na role or 'yung straight na role. After noong nag-book ako, marami ring nag-offer sa akin na movies but puro BL. Pero ang Viva, hindi sila nag-agree kasi depende rin sa content, sa material," saad ng singer-actor.
Kahit hindi nanamlay ang kaniyang career matapos ilabas ang kaniyang libro, nagkaroon naman ng takot si Mark kung may manonood pa ng kaniyang mga concert.
"I don’t think so Tito Boy," tugon ni Mark sa tanong kung nanamlay ba ang karera niya. "May changes. Sa film, sa offers na binibigay. Ngayon kapag nagco-concert ako lagi nang, may fear ako na, 'May manonood ba or something?'"
Samantala, umamin din si Mark na isinara niya muna ang comments section sa kaniyang mga social media matapos maglahad sa kaniyang pagiging bisexual, dahil nakatanggap siya ng "harsh" comments.
"Hindi rin ako nagbabasa noong time na 'yon dahil sa sobrang takot ko, hindi ako nag-o-open ng reviews. 'Yung friends ko lang na nakabasa, 'yung mentors ko before na nagbasa. 'Yung people I trusted na magsasabi sa akin nang totoo, 'yun ang pinaniwalaan ko," paliwanag niya.
Sa kabila ng lahat, nagpasalamat si Mark sa mga taong hindi niya inaasahang susuporta sa kaniya sa kaniyang paglalantad.
"Mas na-shocked ako sa mga taong hindi ko in-expect na magsu-support sa akin. Mas 'yon ang pinanghahawakan ko," anang singer-actor.
Sinabi rin ni Mark na may ilan siyang kaibigan na ang tingin nila ay para sa publicity lang ang kaniyang ginawa.
"Meron akong kaunting friends na parang naging distant. Meron naman sa showbiz na naging distant dahil feeling nila I was just doing it for publicity. Medyo doon ko [sila] nakilala," ayon kay Mark. --FRJ, GMA Integrated News