Kahit mahigit 30 taon nang magkasama, aminado si Gladys Reyes na nagkakaroon din sila ng hindi pagkakaunawaan ng kaniyang mister na si Christopher Roxas.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Gladys na 20 taon na silang nagsasama ni Christopher bilang mag-asawa at 11 taon silang naging magkasintahan.
"There is no such thing as a perfect marriage," pagtatapat ng aktres. "Marami kaming arguments, mga hindi seeing eye-to-eye."
Pero nareresolba naman daw nila ang hindi nila pagkakaunawaan dahil pinapanatili nilang bukas ng kanilang komunikasyon.
Hindi raw tama na isipin ng mga babae na alam ng mga lalaki ang gusto nila.
"Ang mga lalaki, hindi sila manghuhula," saad ni Gladys. "Kaya sabihin natin [kung ano ang gusto natin.]"
Ayon kay Gladys, very vocal siya na sabihin kay Christopher kung ano ang gusto niya at ano ang gusto niyang mangyari."
Ganoon din umano ang kaniyang asawa na inilarawan niya na "vocal na tao 'yan."
Nang sabihin ni Tito Boy na, "nakukuha lahat sa pag-uusap," tumugon si Gladys, "Oo, Tito Boy." — FRJ, GMA Integrated News