Ang primera kontrabida na si Gladys Reyes, may iniidolo ring mga kontrabida actress na katulad niya. Alamin kung sino ang dalawang ito.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Gladys kay Tito Boy na masarap na mahirap ang gumanap na kontrabida.

Paliwanag niya, masarap dahil malaya ang aktres na gawin ang gusto nitong style sa gagawing pang-aapi sa bida.

"At masarap dahil sa totoong buhay hindi mo naman magagawa 'yon [mang-api]," paliwanag ni Gladys.

Patuloy ng aktres, "Mahirap kasi siyempre paglabas mo ayun maraming magagalit sa'yo."

Tinanong ni Tito Boy si Gladys kung mayroon ba siyang kontrabida idols.

"Hindi siya talaga kontrabida pero gustong-gusto ko kapag nagkokontrabida si ate Amy... Amy Austria," saad ni Gladys.

"Gustong-gusto ko ang pagiging aktres ni ate Amy Austria, napaka-versatile actress. Pagka kailangan siyang kontrabida ang husay, 'pag kailangang bida siya, napakahusay din," patuloy niya.

Bukod kay Amy, sinabi ni Gladys na isa pa sa pinakahinahangaan niyang aktres sa kontrabida role si Jean Garcia.

"She's also one of the best kontrabida for me," saad ni Gladys na nagpahayag din ng hangarin na makatrabaho sa isang serious project si Jean.-- FRJ, GMA Integrated News