Sa kabila ng palaging napapanood noon sa noontime show na “Eat Bulaga,” inilahad ni Rochelle Pangilinan na wala siyang ideya sa kasikatan ng kaniyang grupo na SexBomb Girls. Nalaman niya na lamang ito nang minsan silang mag-show at dumugin ng mga tao.
“Noong sumikat nga kami, hindi namin alam na sikat kami,” sabi ni Rochelle sa podcast na “Updated with Nelson Canlas.”
Kuwento ni Rochelle, minsan siyang sumakay ng jeep noon nang makilala siya ng isang pasahero na nagpapa-abot ng bayad sa kaniya.
“Noong sumisikat na kami may mga katabi kami nagpapabayad, iaabot mo ‘yun. ‘Ito ‘yung [SexBomb] ah!’ ‘Opo,’ ganu’n lang ako. ‘Opo ako nga po,’” sabi niya.
“Hindi ko alam na sikat na kami. Nalaman na lang namin nu’ng apat pa lang kami, [sina] Akang, Pepay, Kikay,” dagdag ni Rochelle.
Pag-alala pa ni Rochelle, minsan nag-show ang SexBomb Girls noon sa isang paaralan nang sugurin sila ng mga tao.
“Pinag-show kami ni Tita Malou Choa-Fagar sa isang school, tapos nagkagulo sila. Natakot ako, as in, sumugod sila sa amin noong nakita nila kami. Nagtago ako sa pundya ng guard. [Nakayuko] talaga ako kasi ‘yung sugod nila sa amin, as in patakbo. Nakaganu’n (tinatakpan ang ulo ng mga braso) na lang talaga ako, kasi kuyog talaga siya. Hinihila na lang ako ng isang guard, ‘Tara na! Tara na!’” kuwento niya.
“Hindi na kami nakapag-show. Binalik kami sa sasakyan. Doon namin nalaman na, ‘Ah, sikat kami!’” ani Rochelle.
Ayon sa dancer-actress, hindi nila inisip noon ang kasikatan, dahil iniisip nila ito noon bilang trabaho lamang.
“Ito ko na lang na-realize na sikat pala kami, itong pandemya, na sobra pala ‘yung sikat namin dati. Hindi ko siya na-appreciate dati. Kasi siguro ‘yung pagod din, naramdaman namin dati, as in left right, right to left. Sa amin parang ginagawa na lang namin siya every day,” ani Rochelle.
Katunayan, noong pandemya lang din napagtatanto ni Rochelle ang kasikatan ng SexBomb Girls.
“Lately ko na lang nalaman, may nag-send sa akin ‘yung mga picture sa mall, ‘yung mga uma-attend sa amin na ‘Ay grabe pala ‘yung sikat namin dati. Kasi pumupunta talaga sila ng mall,” saad ng Mga Lihim ni Urduja star.
Na-realize niya na lamang ito noong minsang mag-concert nila at nakikisabay ang mga tao.
“Naalala ko itong pandemya, habang kumakanta kami ng Spaghetti [Song], sa concert talaga, sabi ko ‘Ah, okay. Sikat pala kami dati,’” sabi ni Rochelle. —LBG, GMA Integrted News