Isang mahirap na pamilya na nakatira sa sementeryo at may cerebral palsy ang isang anak ang mapalad na nabigyan ng bagong bahay sa "Bagong Bahay, Bagong Buhay" Year 4 promo ng "Unang Hirit" ng GMA Network.
Sa 8,744 na lumahok sa promo at nagbahagi ng kuwento ng kanilang buhay, ang pamilya ni Nelly Baladad, na mula sa Pasay City at 20 taon nang nakatira sa sementeryo, ang mapalad na nanalo ng bagong two-story house ng Bria sa Magalang, Pampanga.
Mayroong dalawang anak si Nelly, at isa rito ang may cerebral palsy, o kondisyon na nakakaapekto sa pagkilos ng bata.
Ang mister ni Nelly, nagtatrabaho bilang janitor na sumasahod ng P12,000 sa isang buwan. Para makatulong sa mister, naglilinis ng puntod si Nelly sa sementeryo.
Sumali si Nelly sa promo ng "UH" dahil sa mahirap nilang kalagayan at sa pag-asang magkaroon sila ng maayos na tirahan, mula sa bahay nila sa sementeryo na gawa sa kahoy at plywood.
"Simula nung sumali ako, sabi ko kay Lord, sumali po ako sa ganito, kung anuman po 'yung maibibigay mo sa 'kin, kung anuman 'yung karapat-dapat, pero kung 'yung mayroon pong iba, tanggap ko po," ayon kay Nelly.
"Pero kung ako po, maraming, maraming salamat po," dagdag niya.
Bukod sa bagong bahay, binigyan ng "Unang Hirit" ang pamilya ni Nelly ng appliances, groceries at refrigerator na may laman na pagkain, bisikleta, helmet, at matres at mga diaper para sa anak niyang may cerebral palsy.
—FRJ, GMA Integrated News