Ikinuwento ni Klea Pineda kung kailan niya nalaman na isa siyang lesbian, at kung papaano nalaman ng kaniyang pamilya ang kaniyang "sikreto."
Sa pagdiriwang ng kaniyang ika-24 na taong kaarawan, ipinagtapat ni Klea na, "I have a rainbow heart."
Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," sinabi ni Klea na nasa high school siya nang malaman niyang lesbian siya, at inilihim niya ito sa kaniyang pamilya.
"Na-realize ko na gay ako nung high school pa," saad niya. "Before show business, doon ko siya na-realize and then nung pumasok na ako sa show business talagang tinago ko siya hangga't kaya ko."
Sa paglipas ng mga taon, naging mahirap na raw sa kaniya na itago ang kaniyang sikreto sa pamilya.
"Parang lumalabas na siya nang lumalabas na hindi ko na siya mapigilan and I think ito na 'yung feeling na kailangan ko na siyang gawin, kailangan ko na siyang bitawan," patuloy ng aktres.
Ibinahagi ni Klea na nasa showbiz na siya nang mabisto ng kaniyang ina ang pagiging lesbian niya.
"Hindi ko kasi sa kanila inamin e, actually nahuli ako," sabi ni Klea. {Pinahawak ko lang 'yung phone ko sa sister ko, 'yung sister ko iniwan niya lang 'yung phone ko sa car, ganyan." .
"Tapos nakita ni Mommy, naka on lang yung phone ko, tapos nakita niya 'yung conversation ko with my best friend na girl 'yung high school, high school days 'yan. Tapos 'yon. Doon nila nalaman," patuloy niya.
Ayon sa Sparkle actress, noong una, kalmado lang ang kaniyang mga magulang. Pero nang lumipas ang mga araw, may pagkakataon na nagagalit sila.
"Siyempre may things talaga na ganun sa parents, hindi naman mawawala 'yon and I'm sure 'yung sa iba mas masakit 'yung nararanasan nila up to now," ani Klea.
Sa huli, sinuportahan umano siya ng kaniyang pamilya.
"I'm very lucky siguro. I'm one of the luckiest talaga na binigyan ako ng parents na ganito na very supportive," anang aktres. "Hindi pinaramdam sa akin na may mali sa akin."
"And siyempre mas pinapaintindi ko sa kanila na masaya ako. 'Ma, Pa masaya ako sa desisyon ko, sa kung sino talaga ako.' And happy ako na wala akong narinig sa kanila na kahit na anong masasakit, tinanggap nila," sabi pa ni Klea.
—FRJ, GMA Integrated News