Inihayag ni Faye Lorenzo sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes na hango sa buhay nila ng kaniyang ama ang pelikulang "Dollhouse" ng Netflix na pinagbidahan ni Baron Geisler noong 2022.
"Yung story ng 'Dollhouse,' yung ginampaman ni Baron, story ko at ng father ko," saad ni Faye. "He was a drug addict, and media sensitive ako kasi baka i-judge siya ng mga tao."
Ayon sa Netflix, ang "Dollhouse" ay tungkol sa isang ama na nais maayos ang kaniyang relasyon sa anak niyang matagal na nawalay.
"Magugulat ka kasi ang daming na-inspire sa story," sabi ni Faye. "Hindi ako makapaniwala na ang dami palang katulad ko na pinagdaanan yung ganun, na nagkaron sila ng tatay na naging mahina, na 'yon yung ginamit na way para makatakas sa problema."
Sa kabila ng problema ng kaniyang ama sa ilegal na droga, sinabi ni Faye na mabuti itong ama.
"Pinaramdam niya sa aming magkakapatid kung gaano niya kami kamahal. Tinaguyod niya kami kahit na naiwan — iniwanan kasi kami ng mama ko nung bata pa ko," lahad niya.
Lagi raw sinabi ni Faye sa kaniyang ama na magbago. At ang paalala naman daw sa kaniya ng kaniyang ama, "'Anak, paglaki mo, 'wag mo kong gagayahin.'"
Nang pumanaw ang kaniyang ama na 14-anyos noon si Faye, sinabi ng aktres na naging breadwinner siya ng pamilya, partikular sa lima niyang kapatid bilang panganay. Kaya sa murang edad, nagtrabaho na si Faye, maging sa pagtitinda ng banana cue kasama ang kaniyang lola.
"Noong nag-aaral ako, sinacrifice, hininto ko 'yung school ko noong college kasi hindi ko na kaya na sabay-sabay kaming nag-aaral magkapatid," ani Faye.
Dahil dito, hindi rin naiwasan ni Faye na kuwestiyunin ang Diyos sa pinagdaanan niyang pagsubok.
"Kinuwestiyon ko Siya, na bakit ang daming sunod-sunod 'yung hirap ng buhay, 'Ano ba'ng kasalanan ko? Bata pa ako, bakit ang laki ng obligasyon binigay Mo sa akin?'"
Napagtanto rin niya kalaunan ang leksiyong itinuturo sa kaniya.
"Kaya pala na ayun ang pinagdaanan ko sa buhay kasi roon ako magiging matatag, masipag humble mapagmahal."
Sa kabila ng pagsubok, naramdaman pa rin ni Faye ang pagpapala at nakayanan niya ang mga pagsubok.
"Noong nararamdaman ko po na kahit na hirap na hirap na ako, may darating na blessing, at may natututunan ako sa mga nangyari sa buhay ko. Maging grateful ako sa lahat ng nangyayari sa buhay ko, maliit man 'yan, malaki man 'yan. Masama man 'yan o mabuti, kailangan mong maging grateful kasi ayun 'yung magbibigay sa 'yo ng lakas at magiging wais ka sa laban."
Sabi ni Faye, nang mag-audition siya sa GMA-7, kompiyansa umano ang lola niya na nagsabi sa kaniya, 'Makukuha ka diyan. Magiging artista ka.'"
Isa nang Kapuso ngayon si Faye at bahagi ng Sparkle Artist Center. — FRJ, GMA Integrated News