Inihayag si Ruru Madrid na pagkakaroon ng Season 2 ang hit Kapuso action-adventure series na "Lolong," na kaniyang pinagbidahan.
Sa huling parte ng panayam niya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sinorpresa ni Ruru si Tito Boy ng kakaibang regalo.
Napatayo sa upuan si Tito Boy nang iabot ni Ruru nakabalot na ulo ng animatronic crocodile na ginamit sa series.
“Ang aking kaibigan na si Dakila, sinamahan niya po ako sa araw na ito Tito Boy,” natatawang sabi ni Ruru sa nagulat ng TV host.
“Dahil magkakaroon po kami ng Season 2. So abangan niyo po ‘yan mga Kapuso,” pag-anunsyo ng aktor.
Sa panayam ni Tito Boy, binalikan ni Ruru ang kaniyang mga pagdududa at naiisip na pag-atras habang ginagawa noon ang “Lolong.”
“Every time na mag-start kami laging nade-delay, it’s either because of COVID or may mga aksidente or mapapahamak. Feeling ko jinx ‘yung show o ako mismo sa sarili ko iniisip ko na jinx ako sa show dahil laging nade-delay. So iniisip ko na baka hindi ito ‘yung trabahong para sa akin. Baka dapat bumalik na ako sa pag-aaral, kasi hindi ito ‘yung karera na para sa akin,” kuwento niya.
Sa dami na ng kaniyang pinagdaanan, tinanong ni Tito Boy kung sanay na si Ruru sa rejections.
“Ever since na nag-showbiz ako, and even before show business, lagi akong talo. Sanay akong underdog. Sanay ako ‘yung lumalaban, wala akong someone na nagsu-support sa akin na tutulungan ako. Of course I mean andiyan ang pamilya ko, pero sanay akong matalo,” anang aktor.
Inilahad naman ni Ruru kung paano siya nakaahon mula sa kaniyang mga pagdududa.
“Malaking factor din ‘yung mga kasama ko sa Lolong. Sila ‘yung kinapitan ko noong mga panahon na ‘yon. Nakita ko ‘yung hirap at pagod din nila. So for me sabi ko, kung ako susuko, paano na lang din sila? And I know na kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ko, mas mahirap ‘yung pinagdadaanan nila. ‘Yung sa pamilya nila, kailangan nilang mag-lock in, pumasok sa taping for two months na hindi nila kasama ang pamilya nila, na sila ang inaasahan ng pamilya nila,” paliwanag niya.
“Sabi ko I realized lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin may dahilan. Lalo noong natapos ‘yung Lolong, I realized na kaya ko siya kailangang pagdaanan ‘yung mga ganu’ng klaseng paghihirap, so that hindi ko i-take for granted ‘yung mga bagay na meron ako ngayon," sabi pa ni Ruru.--FRJ, GMA Integrated News