Taliwas sa iniisip ng ibang tao, inihayag ni Jayson Gainza na hindi sa lahat ng oras ay kayang magpatawa o magpasaya ng mga tao ang mga komedyante na katulad niya.
"Kasi minsan kapag pagod ka na rin, minsan, 'Seryoso ka pala.' Sabi ko, 'Nagpapatawa po ako?," natatawang sabi ni Jayson sa podcast na "Updated with Nelson Canlas."
May mga tao raw kasi na nagtatanong minsan kay Jayson kung bakit tila sa telebisyon lang siya nakakatawa.
"'Pag minsan kasi pagod ka na, [Sasabihin ng ibang tao] 'Bakit sa TV nakakatawa ka?' Sabi ko 'Ahh.. Gusto niyo po ng joke?," birong paliwanag pa rin ng aktor.
May ilan naman daw na tila inuutusan pa siyang magpatawa.
"Meron namang [magsasabi], 'Nagpapatawa ka ba? Magpatawa ka naman oh.' Sabi ko, 'Huh?' parang inuutusan ako. Hindi ko na lang papansinin. 'Hello po!'"
Natutunan daw ni Jayson na huwag nang patulan ang mga ganoong reaksyon ng ibang tao dahil batid niya na maaaring siya pa ang lumabas na masama.
Nauunawaan naman daw ni Jayson kung bakit ganoon siya ituring ng ilang tao bilang komedyante.
"Naiintindihan ko na ngayon tapos nakapag-adjust na rin ako. Kasi nga lagi kang napapanood sa TV, akala nila laging kasama ka nila, akala nila kakilalang kakilala ka na nila," paliwanag niya.
Dahil sa kaniyang karanasan, natuto na rin si Jayson na mas dapat pakitunguhan ang mga tao.
"Kapag ang mga nanay pinipisil-pisil ka, 'Uy ang galing galing mo talaga.' 'Ay salamat po! Sana po lagi kayong manood ah'. Everytime na lalabas ako ng bahay, naka-mindset na ako na si Jayson ka na, anumang mangyari, huwag mo nang patulan," anang aktor.
Kapuso na rin si Jayson matapos pumirma ng kontrata sa Sparkle Nobyembre noong nakaraang taon.
Napapanood si Jayson sa "Happy ToGetHer" at Kapuso variety show na "TiktoClock." -- FRJ, GMA Integrated News