Sa kabila ng pagiging masayahin at komedyante, inamin ni Jayson Gainza na nakaranas siya ng depresyon at kinailangan niyang magpatingin sa duktor. Ang mga palatandaan o sintomas, ibinahagi ng aktor.

Sa “Updated with Nelson Canlas,” ikinuwento ni Jayson ang isang pagkakataon nang mamatay ang kaniyang lola na malapit sa kaniyang habang nasa taping siya.

“Humagulgol lang ako nang humagulgol, siguro mga 15, 20 o 30 minutes yata ‘yon,” sabi ni Jayson.

Sa kabila ng pagdadalamhati, kailangang magpatuloy ang taping at isinantabi muna niya ang lungkot.

“‘O Jayson magte-teke na,’ kasi kailangan ako ang comic relief doon. Gawa pa rin kasi trabaho talaga eh. Mamaya pagdating sa kotse ‘pag packup na, doon ko na lang [dinamdam],” anang komedyante.

“Mahirap din kasi eh. Kaya minsan nagkakaroon kami ng… Ayun, nagkaroon ako ng depression, anxiety,” pag-amin ni Jayson.

Dahil dito, nagpatingin si Jayson sa espesyalista.

“Sabi ko sa aking psychiatrist, ‘Bakit po ako nagkaganu’n?’ Sabi niya ‘Kasi hindi na alam ng katawan mo kung ano ‘yung emosyon mo talaga. Minsan nagte-teleserye ka, minsan nagko-comedy ka. Ia-act mo ang comedy, mamaya kapag nagteleserye ka bigla mo namang pabababain ang emosyon mo, kaya nagsu-swing,” paliwanag daw sa kaniya.

Binanggit ng host na si Nelson Canlas, na matagal nang showbiz reporter sa Kapuso Network, na kalimitang depresyon ang nagiging sakit ng mga artista.

“Kaya ang ginagawa ko talaga pagkatapos ng project. Minsan kasi naghe-heavy drama rin ako, minsan pagkatapos no’n, after ng shoot, aalis kami ng family ko mga three days, bakasyon talaga. Talagang e-enjoy-in ko ang sarili ko, pinapagpag mo talaga ang lahat ng vibes na [nakuha] mo,” sabi ni Jayson.

“Hindi kailangan ng iinom mo lang, bahay ka lang. Hindi eh,” dagdag pa niya.

PALATANDAAN

Ibinahagi ni Jayson ng kaniyang karanasan bilang isang tao na may depresyon.

“Merong kapag gabi, takot na takot ako, kasi alam kong maggagabi, sabi ko ‘Hindi na naman ako makakatulog kasi ang dami kong iniisip.”

“Minsan alas sais na, dinadaya ko na ang sarili ko kasi nga gigising na ‘yung asawa ko, maghahatid ng anak. Kunwari tulog ako, pero ang tulog ko pa lang alas otso ng umaga, ‘yung talagang pagod na pagod na ang utak ko kaiisip,” kuwento niya.

“Nag-iisip ka kung ano ang susunod mong project, nag-iisip ka sikat ka pa ba. Parang ganu’n, inuunahan mo na agad. Ganu’n ‘yung depression eh. Nagsisimula sa stress ‘yon tapos na-depressed ka. Anxiety tapos pupunta sa depression ‘yon,” paliwanag niya tungkol sa kaniyang kondisyon.

“Minsan may kaba ka na nararamdaman, na ‘Hindi mo kaya ‘yan,’ ‘Wala ka nang kwenta.’ ‘Bakit pumapasok ito,’ tapos nanlalamig ka na, ilang araw ka nang hindi makatulog, nag-a-alak ka. Pero hindi nakakatulong ang alak kasi ang alak lalo pang lalala ang [kondisyon] mo eh,’” dagdag ni Jayson.

May pagkakataon ding ayaw niyang kausapin ang kaniyang pamilya.

“Noong mga time na dito na ako kumakain, sabi ko ‘Ma [iakyat] mo na lang ako ng pagkain sa itaas. Ayaw ko talaga. Kahit ‘yung anak ko, hindi ko nakakausap ‘yung anak ko, gusto ko nasa kuwarto lang, ayaw kong lumabas,” sabi ni Jayson.

Maging sa trabaho, nag-iba na rin ang kondisyon ni Jayson. Kaya isa sa kaniyang mga ginawa ang pagtambay malapit sa kaniyang mga kaibigan para may makausap.

“Pero kapag kinakausap nila ako, lampasan lang. ‘Yung naririnig ko parang dumadaan lang,’” aniya.

Makalipas ang isang linggo, napagtanto ni Jayson na tila iba na ang kaniyang pakiramdam.

“Tinawagan ko na, sinabi ko sa misis ko, iyak na ako nang iyak habang nagda-drive. Sabi ko ‘Mahal hindi ko alam kung ano ang nangyayari.’ Sabi niya ‘Hala, anong nangyayari sa ‘yo? Itigil mo ang sasakyan!’  Parang takot akong mag-drive.”

At nang magpatingin sa espesyalista, kinumpirma ng kaniyang doktor na may depresyon si Jayson.

“Kaya ganiyan ka, kasi hindi mo na alam kung ano ang emosyon mo talaga. Tapos ‘yung puyat,” sabi raw sa kaniya ng espesyalista.

“Kailangan may kaibigan ka na mapapagkuwentuhan mo rin. At the same time magpa-psychiatrist ka na,” payo ni Jayson.-- FRJ, GMA Integrated News