Kahit hindi naging maayos ang kanilang paghihiwalay bilang mag-asawa, inihayag ni Carla Abellana na napatawad na niya at wala na siyang galit kay Tom Rodriguez.
“For you to be able to forgive kailangan po ako Tito Boy, ang lagi kong sinasabi, I have to forgive myself first. So yes, I have. Wala man po sa hitsura, but I have,” sabi ni Carla sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Mapapansin niyo po ‘yan eh na, ‘She looks like she’s glowing.’ Bitbit niyo po ‘yan eh. So I have, technically po. I saw it as something na I have to forgive myself first bago ko siya mapatawad,” dagdag ni Carla.
“Galit, wala na po. Ang hirap pong magbitbit ng galit,” ayon pa sa Kapuso actress.
Sa naturang panayam, inihayag ni Carla na naging sukdulan na ang galit niya kay Tom na humantong sa kanilang hiwalayan ilang buwan pa lang matapos silang ikasal.
Hindi rin umano nagpahayag si Tom ng kagustuhan na ayusin ang kanilang mga naging problema.
“Ang hirap po na you are determined to fix something, a relationship, but then walang reciprocation. You cannot fix someone na ayaw ayusin,” sabi ni Carla.
Tinanong din si Carla kung saan siya nagkulang at sumobra pagdating sa relasyon nila ni Tom.
“Siguro sobrang magbigay na wala nang natira sa sarili. Kulang, hindi ko po alam, siguro better kung ‘yung isang tao ang makasagot noon, kasi as far as I know, or as far as I’m aware, naibigay ko naman po lahat, and I really fought and gave everything, my all po,” sabi niya.
“‘Yung sobra, sobra sa pagbigay wala nang natira for myself na self-respect, I should also forgive myself, I should also take care of myself. ‘Yung mga ganu’ng bagay na halos wala nang natira sa sarili.”
Ngunit kung bibigyan ng pagkakataon na makapagsumbong sa Diyos, sinabi ni Carla na wala na siyang isusumbong pa sa Maykapal.
“Wala po kasi si God na ang nagsumbong sa akin. God knows everything, He sees everything, hears everything,” anang aktres.
Mensahe ni Carla sa kaniyang sarili: “Everything’s gonna be okay.”
Dito, hindi napigilan ng aktres na maging emosyonal.
"I’m grateful for all the blessings, for what I have left. I’m grateful for my life, my family, my best friends, my work. I’m grateful and I’m humbled,” pahayag ni Carla.--FRJ, GMA Integrated News