Sa Araw ng mga Puso, inihayag ni Vilma Santos na hindi lang isa, kundi maraming beses na siyang nabaliw sa pag-ibig.
“Marami!” pag-amin ni Ate Vi sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes nang tanungin ni Tito Boy.
“Ayan na naman, me and my big mouth,” sabi ni Ate Vi, na madalas daw madulas sa kaniyang mga panayam.
“Nakaranas, nabaliw-baliw rin sa pag-ibig,” dagdag niya.
Inilalarawan ni Ate Vi ang sarili bilang supportive na asawa ni Batangas 6th District Representative Ralph Recto.
“Hindi ako ‘yung asawa na nagliligpit ng damit, magbibigay ng tuwalya. Hindi ko nakalakihan ‘yung ganoon. Pero I think, if you’ll ask Ralph, I think ako naman ‘yung isang asawa na supportive, kung alam ko kung saan mag-e-excel ang asawa ko or kung ano ang gusto niyang gawin at kaya ko namang ibigay ang suporta ko, I give my 100%,” paliwanag niya.
Pagdating sa pag-ibig, hindi rin daw puwede na bigay lang nang bigay si Vilma sa relasyon.
“I am very confrontational. Ako kasi ‘yung magko-confront and I’ll tell you ‘Sobra ka na,’ hindi pupuwede. ‘Bakit laging ako?’ Kailangan pareho tayo. It takes two to make this really successful, maganda dapat tayong dalawa, hindi puwede [na] ako [lang]. Hindi ko hahayaan na puro ako. Iko-confront kita. ‘O teka, sobra ka na.’ Hindi pwede. Two ways ito,” patuloy niya.
“Dapat fair. I think para sa akin ‘yun ang word, dapat fair ang relationship. I will give my share but you have to give your share too,” patulong ng Star For All Seasons.
Ginawang halimbawa ng aktres ang hatian sa gastusin sa bahay.
“Kahit na sabihin mo I’m financially comfortable, si Ralph may allowance ako diyan. Kailangan ang pang-maintenance ng bahay it’s your obligation as the husband, para sa maintenance ng bahay. Hindi porke may pera ako… ‘As a husband it’s your responsibility na aasikasuhin ang maintenance ng bahay, ako ngayon ang mag-aasikaso ng marketing,” kuwento ni Vilma.
“I make sure na ‘yung akin ay nasa akin, at ‘yung sa kaniya ay nasa akin,” biro niya.
Binasa ni Tito Boy ang isang madamdaming linya ni Ate Vi mula sa kaniyang pelikulang “Palimos ng Pag-ibig” kung saan sinabi ng kaniyang karakter na si Fina: “Mahal kita at ‘yan ay hindi ko kayang makihati sa iba. Pero kung ganitong niloloko mo lang ako, kaya kitang palitan kahit sampung lalaki.”
Sa totoong buhay, ayon kay Ate Vi, "Ang paglaban kaya kong sabihin is more of, it’s your loss not mine. Ano man ang mangyari at hindi tayo natuloy at naghiwalay tayo, it’s your loss, not mine. Kasi kapag may karelasyon ako I give my 100 percent. Actually minsan more.” --FRJ, GMA Integrated News