Mariing pinabulaanan ni Paolo Contis na binalewala niya si Kathryn Bernardo sa tagumpay ng "Hello, Love, Goodbye," kung saan katambal ng aktres si Alden Richards. Si Paolo, may mensahe sa aktres.
Naging mainit na usapan sina Paolo at Alden sa Twitter, matapos na sabihin umano ni Paolo na taga-GMA ang bida sa naturang pelikula na pumatok sa takilya.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, ipinapanood ni Tito Boy sa publiko ang kabuuan ng sinabi ni Paolo, na iba sa lumabas na clip sa Twitter.
Nang hingan ni Tito Boy ng reaksyon si Paolo hinggil sa isyu, sagot ng aktor; "Medyo nagulat ako kasi it was taken out of context. Obviously 'yung nag-post, para sa akin, naghahanap siya ng issue. And to be honest, kung ako rin naman ang fan ni Kathryn at 'yun lang maikling part ang napanood ko, kasi doon lang naman sa sinabi na 'GMA ang artista. Fact lang 'yon.' So kung ako ang fan ni Kathryn, ma-o-offend din ako."
"However, sana lang kapag nakakita sila ng ganoon, they could watch the whole interview. Because pinag-usapan namin ni Alden, sobrang thankful si Alden sa ginawa ng Star Cinema para sa kaniya, he was very thankful to Kathryn," dagdag ni Paolo.
"I believe na nadala na naman tayo ng clickbait and sadly people got mad at me and Alden."
Nagpaabot din si Paolo ng mensahe kay Kathryn.
"Hi Kathryn! I respect you as an actress. I know you are one of the biggest actresses of ABS CBN. Sana mapanood mo 'yung buong interview para ikaw mismo, makita mo na binigyang respeto ka namin sa interview," saad niya.
Ipinalabas ang Hello, Love, Goodbye noong 2019, na tungkol sa isang bartender at domestic helper sa Hong Kong na iibig sa isa't isa, ngunit may kaniya-kaniya silang plano para sa kanilang hinaharap.
Sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina at sa produksyon ng Star Cinema, ang "Hello, Love, Goodbye" ay naging highest grossing Filipino film of all time. --FRJ, GMA Integrated News