Tinapos na ni Alden Richards ang ilang mga usapin na ikinasal at nagkaroon sila ng anak ni Maine Mendoza, na kaniyang katambal sa phenomenal love team nila noon na "AlDub."
"I think everything is already self-explanatory," panimula ni Alden sa kaniyang panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda."
Muling pinasalamatan ni Alden ang mga humanga at patuloy na sumusuporta sa kanila ni Maine mula nang sumikat ang AlDub noong 2015.
"Uulitin ko po. During the AlDub era, nagpapasalamat po kami sa lahat ng suportang ibinigay niyo sa amin, and sa lahat po ng pagmamahal... Masaya po kami na napasaya namin kayo," sabi niya.
Gayunman, sinabi ni Alden na magkaiba na sila ng landas na tinahak ni Maine, at nananatili pa rin silang magkaibigan.
"But right now po kasi, kami ni Maine ngayon we're at a point na we're not getting any younger, and we've already made our, of course, personal choices. We're very good friends up to this point."
Dito, tinapos na ni Alden ang mga espekulasyon ng ilan na nagpakasal sila ni Maine, at nagkaroon sila ng anak.
"Wala po, wala po," mariing sagot ng Asia's Multimedia Star.
Matatandaang pumatok ang love team nina Alden at Maine na AlDub, na nagsimula sa Kalyeserye ng "Eat Bulaga."
Napagod sa kahilingan ng mga tao
Binanggit ni Tito Boy ang pahayag ni Alden sa isang press conference Nobyembre ng nakaraang taon sa Cebu na "Nobody controls my life. Walang nagdidikta. I make my own choices, I make my own decisions."
Nasabi ito ni Alden noong muling naungkat ang usapin tungkol sa AlDub.
"I started being a public figure when I started in the industry. As I grow older may nakikita po akong cycle na 'pag celebrity ka you always cater to what people want, of course especially lahat ng feedback sa 'yo, pinakikinggan mo to appease them, para maibigay mo 'yung gusto nila," sabi niya.
Pag-amin ni Alden, napagod din siya sa mga patuloy na hinihingi ng ilang tao sa kaniya.
"At a certain point, medyo nakapapagod din pala siya. Dumating po ako sa point na, when I was really burned out with all of these demands and things that people want from me, when I stepped out [and] looked [at the] bigger picture, wala na po akong identity. Parang, nasaan na 'yung pagkatao ko? Lagi na lang ba akong susunod sa ibang tao, sa gusto ng mga tao na makita sa akin. Napagod lang po ako sa point na 'yun."
"I wanted to be firm. Hindi po ako galit when I said that. I just wanted to be firm with the current state of mind that I have," dagdag niya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News