Nasulyapan na ang bagong look ni Dennis Trillo bilang si Simoun, ang alter ego ni Crisostomo Ibarra, sa pagtawid sa El Filibusterismo ng "Maria Clara at Ibarra."
Sa inilabas na bagong teaser ng hit historical portal fantasy series, mapapanood ang karakter ni Dennis na si Simoun na mahaba at puti na ang buhok at nakasuot ng brown suit.
Bakas din ang galit sa mukha ni Simoun at may hawak siyang baril.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing pinaghahandaan ni Dennis ang kaniyang pagbabago mula kay Ibarra at naging si Simoun.
"Inalam ko 'yung itsura niya, kung ano 'yung mga dapat maging itsura ko rito, kung ano yung itsura niya sa libro, sa mga ibang pelikula na ginawa," sabi naman ni Dennis sa online interview sa press.
"Kinuha lang namin 'yung mga common factors do'n pero syempre, mas pinag-basehan pa rin namin 'yung libro para mas maging accurate 'yung depiction do'n sa character," dagdag ni Dennis.
Mapapanood pa rin si Julie Anne San Jose bilang si Maria Clara, na dadaan sa matinding pagsubok.
May bago ring kapalaran si Fidel sa serye.
Samantala, papasok si Khalil Ramos bilang ang binatang si Basilio.
Pressured pero excited daw si Khalil, na nagsaliksik sa kaniyang karakter para magampanan ito nang tama. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News