Masaya si Dingdong Dantes at hindi raw niya inasahan na mabibigyan siya ng pagkakataon na maging isang game show host sa pamamagitan ng "Family Feud Philippines." Pag-amin ng aktor, sinusubukan niya ring sagutin ang mga itinatanong niya sa mga kalahok.

Sa exclusive interview ni Jessica Soho, sinabi ni Dingdong na kakaibang karanasan para sa kaniya ang maging isang game master.

"Never ko naisip na at this stage in my career mabibigyan po ako ng pagkakataon to become a game show host," ani Dingdong. "But I guess siguro dahil open po ako sa kahit anong posibilidad, especially pagdating sa entertainment." 

Ikinuwento rin ni Dingdong na dati nang ipinalabas sa bansa ang Family Feud, at si Richard Gomez ang naging host nito.

Pero nang minsan na wala si Richard, sinabi ni Dingdong na siya ang pansamantalang humalili.

"Kahit papaano e naumpisahan ko na. Pero ngayon ko lang talaga siya na-appreciate fully. And sabi ko nga very therapeutic siya para sa akin kasi good vibes all the way e!," paliwanag niya.

Aminado ang actor at ngayon ay TV host na ibinigay sa kaniya ang proyekto dahil batid daw niya na may iba mas capable sa naturang trabaho.

"Sabi ko nga ho nu'ng umpisa, ah, I'm sure ang dami naman ho talaga mas capable pero nagpapasalamat ako na napagkatiwala sa akin," pahayag niya.

"I think it's also because of 'yung the people I meet every day. Imagine I meet eight people every episode," dagdag pa ni Dingdong.

Ikinuwento rin ni Dingdong na sinusubukan din niyang sagutin ang mga itinatanong sa programa at natutuwa siya kapag may tumatama sa kaniyang sagot gaya ng ginagawa ng mga nanonood.

"Nagpa-practice ako. So imagine mula umpisa hanggang ngayon lahat ng tanong nadaanan ko. So I enjoy that also tapos kapag nakaka-top answer ako tuwang tuwa rin ako. Katulad ng mga nanonood, ganun din," ani Dingdong.—FRJ, GMA Integrated News