"Critical but stable" umano ang kalagayan ng Hollywood aktor na si Jeremy Renner matapos masangkot sa "weather-related accident" na may kaugnayan sa snow plowing o pag-aalis ng niyebe, ayon sa kinatawan ng aktor.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi umano sa The Hollywood Reporter at Deadline, ng representative ni Jeremy, kilala sa kaniyang role bilang si Hawkeye sa ilang Marvel movies, na nagtamo ng injuries ang aktor, "after experiencing a weather-related accident while plowing snow earlier today."
Hindi binanggit ng kinatawan ni Jeremy, 51-anyos, ang buong detalye sa nangyaring aksidente at kung saan ito nangyari.
"His family is with him and he is receiving excellent care," dagdag niya.
May property umano si Jeremy malapit sa Mt Rose-Ski Tahoe, na 'di kalayuan sa Reno, Nevada, na kabilang sa mga lugar na matinding tinamaan ng winter storms, ayon sa The Hollywood Reporter.
Kamakailan lang, nag-post ang aktor sa social media ng weather conditions sa Lake Tahoe, na nasa hangganan ng California at Nevada.
Noong December 13, nag-tweet si Jeremy ng larawan na makikitang natabunan ng makapal na snow ang isang sasakyan na may caption na, "Lake Tahoe snowfall is no joke."
Noong 2012, nagpunta sa Pilipinas si Jeremy at aktres na si Rachel Weisz para sa shooting ng "The Bourne Legacy."
Dalawang beses nang na-nomina si Jeremy sa Oscars para sa kaniyang role sa "The Hurt Locker" at "The Town."— AFP/FRJ, GMA Integrated News