Hindi man naging madali para sa kaniya ang taong 2022, beyond thankful pa rin si Alden Richards sa mga magagandang bagay na natuklasan niya sa kaniyang sarili. Hamon niya sa mga Kapuso ngayong 2023, kumawala sa ating comfort zone.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing na-explore ni Asia's Multimedia Star ang pagiging mas malalim na artista, business owner ng mga restaurant, isang seasoned gamer at producer.
Pero sinabi niyang may kapalit na paghihirap ang lahat ng natamasa niyang tagumpay.
"Hindi naman talaga lagi smooth sailing 'yung buhay natin pero everything that has happened, at the end of the day may mga learnings ako roon. So I'm very grateful for it. And I have to admit, hindi naging madali 'yung 2022," sabi ni Alden.
Naging mas masaya si Alden noong harapin niya ang mga bagay na kaniyang kinatakutan.
"'Yung kaba, 'yung nervousness, 'yun ang mga bagay na dapat mong ginagawa kasi it means hindi ka sure sa outcome. As opposed to you're just in your comfort zone na alam mo na ang lahat ng turnout ng mga ginagawa mo," sabi niya.
Pinag-aaralan na ni Alden ang ilang proyektong maaaring gawin sa 2023, tulad ng pelikulang for international release, TV project, at mag-produce ng malalaking concerts.
Kasado na rin ang e-sports tournament ni Alden ngayong Enero, na magsisilbing pinakamalaking gaming tournament sa bansa na layong magbigay ng exposure sa Filipino gamers para mapansin sa iba't ibang bahagi ng mundo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News