Hindi napigilan ng isang bisita sa "Eat Bulaga" na bahagi ng "Bawal Judgmental" segment na maiyak nang ikuwento ang natatanggap na pamba-bash nang bumigat ang kaniyang timbang.
Kabilang sa choices sa "Bawal Judgmental" si Marilyn, na mula sa 42 kilos na timbang sa pagpasok ng 2022 ay naging 75 kilos na ngayon.
Napag-alaman na nagsilang ng kambal si Marilyn, at gumagamit ng injectable contraceptives para hindi na muna mabuntis.
Ayon kay Marilyn, ipinaliwanag naman sa kaniya ng doktor na maaaring madagdagan ang kaniyang timbang dahil sa injectable contraceptives kapag naging "hiyang" dito.
Pero dahil sa pambaba-bash umano ng iba sa kaniyang pagbigat ng timbang, nakaranas din siya ng tinatawag na "stress eating."
Dahil dito, sabi ni Maine, "Parang hindi kasi nare-realized ng mga tao ngayon na yung mga komento lalo na sa weight ng isang tao-- mapa-payat o malaman-- medyo insulting sa iba."
"So dapat maging sensitive tayo sa mga ganun," dagdag niya.
Ayon naman kay Allan K, dapat 'wag gawing ang pamba-bash lalo na't hindi nila alam ang pinagdadaanan ng isang tao.
Ginawa niyang halimbawa si Marilyn na kambal pala ang naging anak.
Sinabi naman ni Ryan Agoncillo na ang dapat isipin ni Marilyn at ang mas mahalaga ay masaya siya bilang isang ina.--FRJ, GMA Integrated News