Itinanghal na Best Lead Actor sa Saskatchwan International Film Festival (SIFF) ang "Start Up PH" star na si Jeric Gonzales. Ang kapuwa niya Kapuso na si Therese Malvar naman ang nagwagi bilang Best Actress.

Ang pagkilala ay para sa pagganap niya sa "Broken Blooms," na nag-uwi ng walong major awards mula sa SIFF. Kabilang dito ang Best Director (Louie Ignacio) Best Actress (Therese Malvar), Best Supporting Actress (Jacklyn Jose), Best Supporting Actor (Boobay), Best Cinematography, at Best Musical Score.

Sa Instagram post, makikita ang kasiyahan ni Jeric sa kaniyang ika-limang best actor award: "5 and counting! Thank you, Lord!"

Kasabay ng pagbati sa kaniyang mga kasama, nagpasalamat si Jeric kay Direk Louie sa ibinigay sa kaniyang oportunidad.

"Maraming salamat sa binigay niyo sa akin and sa guidance and motivation para magawa ang napaka ganda at makabuluhan na pelikula na ito," saad niya sa caption ng post na kasama ang larawan na hawak niya ang tropeo.

"Without you Direk hindi ko po magagawa lahat ito," dagdag niya.

 

 

Si Jeric din ang kinilalang best actor Tagore International Film Festival, Mokkho International Film Festival, at 17th Harlem International Film Festival, para sa naturang pelikula.

Mapapanood ang "Broken Blooms" sa mga sinehan Pilipinas sa December 14.— FRJ, GMA Integrated News