Pumanaw na ang singer at kauna-unahang grand winner ng “Pilipinas Got Talent” na si Jovit Baldivino, 29-anyos.

Kinumpirma ng maybahay ni Jovit na si Camille Ann Miguel ang malungkot na balita.

Sa ulat sa radyo nitong Biyernes, sinabing na-confine si Jovit sa Jesus of Nazareth Hospital sa noong Linggo matapos mawalan ng malay sa isang party at na-comatose.

Binawian siya ng buhay nitong Biyernes ng madaling araw.

Nag-post si Camille sa Facebook ng larawan nila nila Jovit na may caption na “Asawa ko” at may crying emojis.

Dinagsa ng pakikiramay ang naturang post.

Mula sa Batangas si Jovit, isang dating estudyante na kumakayod sa pagtitinda ng siomai para magkaroon ng dagdag-kita.

Pinahanga niya ang publiko sa kaniyang pagkanta nang sumali at manalo sa “Pilipinas Got Talent” noong 2010.

Napanood din si Jovit kamakailan sa isang episode ng “Family Feud.," na nag-post ng video bilang tribute sa kaniya.

—FRJ, GMA Integrated News