Aminado si Herlene "Hipon Girl" Budol na natakot siya na bumalik sa dati ang buhay niya na todo-kayod para kumita sa isang linggo nang matigil siya sa showbiz nang magsimula ang COVID-19 pandemic.
Sa nakaraang podcast na "Updated with Nelson Canlas," sinabi ng TV-host turned beauty queen na nakakadalawang taon na siyang co-host sa dating programang "Wowowin" nang mangyari ang pandemic at kinailangang manatili lang sa bahay ang mga tao.
Ayon kay Herlene, sa mga panahon iyon na natigil ang trabaho niya sa showbiz, nagsisimula na rin maubos ang kaniyang naipon. Bukod pa sa tanong niya sa sarili na kung may babalikan pa ba siyang showbiz career.
"Parang biglang bagsak yung career ko nung time na yon," ayon kay Herlene na bibida na ngayon sa Kapuso upcoming show na "Magandang Dilag."
Sabi pa ni Herlene, inisip niya na baka bumalik sa siya sa pagiging "walang-wala," na kailangang na maraming trabaho sa isang linggo upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
"Nag-vlog nga po ako nun wala namang nanonood sa akin," saad niya. "Kaya parang sinabi ko na parang hanggang dito na lang ako tapos na babalik ako sa pagiging dating ako na maraming trabaho sa isang linggo."
Ayon pa kay Herlene, sobra siyang nalungkot noon pero napagtanto niya na wala siyang karapatang magreklamo dahil hindi lang siya ang nakaranasan ng ganoong sitwasyon nang panahon na iyon.
Nagsimula raw si Herlene na magnegosyo at nagtinda online ng mga pre-loved items o damit na isang beses lang niyang naisuot. Ang problema, sinabi ni Herlene na inakala ng ibang tao na hindi siya seryoso.
Nang magsimula nang lumuwag ang protocols sa pandemic, nakapabalik sa showbiz si Herlene, at nanalo pang first runner-up sa Binibining Pilipinas 2022.
Bibida rin siya sa upcoming Kapuso show na "Magandang Dilag," na kabilang sa mga makakasama niya sina Benjamin Alves at Rob Gomez.
Ayon kay Herlene, hindi niya maiwasan na mahiya kapag kukunan ang mga eksena na magkalapit sila ng kaniyang katrabaho.
"Nahihiya ako baka ang baho ng hininga ko," sabi ni Herlene kay Nelson. "Nahihiya talaga ako. Kahit nag-toothbrush ako, naka-ilang bubble gum ako, naka-ilang spray ako sa bunganga ko noon, parang, hala, nakakahiya."
Sa kabila nito, malaki ang pasasalamat ni Herlene sa malaking oportunidad na ibinigay sa kaniya.
"Sobrang [masaya ako na] pinagkatiwalaan po nila ako para makasama po 'yung mga ganung artista na talagang kahit sino sa kanila magpapasampal ako doon eh," natatawa niyang pahayag.
Kasama rin ni Herlene sa "Magandang Dilag" sina Maxine Medina, Bianca Manalo, Angela Alarcon, at maraming iba pa.--FRJ, GMA Integrated News