"Kung anuman ang mayroon ako, wala akong karapatan na magyabang." Ito ang pahayag ni Manny Pacquiao, na dating nakaranas na matulog sa gilid ng kalsada, pero ngayon ay nagmamay-ari ng napakagandang mansyon sa General Santos City, na katas ng kaniyang pagiging boksingero.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinasilip ni Pacquiao ang loob ng isa sa kaniyang mga mansyon na may main house, iba pang bahay, magandang garden at swimming pool, kung saan daw sila madalas tumambay.

Sa pader na bakod, kapansin-pansin ang mga nakalagay na Bible verses.

Nang tanungin ang dating senador kung bakit may mga Bible verse sa pader, paliwanag niya, "Gusto ko laging naaalala na ang Panginoon... to encourage you and to watch you na hindi ka mag-iisip ng masama."

Mula sa mahirap niyang pamumuhay noon, ano nga ba ang naiisip ngayon ng tinaguriang Pambansang Kamao, sa tinatamasang kasaganahan sa buhay?

"Nagpapasalamat ako. Nakatulog ako sa gilid ng kalsada eh. Naranasan ko," sabi ni Pacquiao.

"Kung anuman ang mayroon ako, wala akong karapatan na magyabang. Ang ginagawa ko ngayon, mapasaya ko, matuwa ang Panginoon sa buhay ko na nakakatulong ako sa ibang tao," paliwanag niya.

Nang kumustahin ang pakiramdam ni Pacquiao matapos na mabigo sa kaniyang pagsabak sa nakaraang presidential elections, sinabi ng dating senador na sanay siyang makaranas ng pagkatalo bilang isang boksingero.

Pero sasabak kaya uli sa pulitika si Pacquiao?

Sa ngayon, sinabi ni Pacquiao na iniiwasan muna niyang isipin at pulitika. Nakatuon daw ang pansin sa niya sa kaniyang pamilya at negosyo.

Kasama na rin marahil ang pagtulong sa iba.

Ayon kay Pacquiao, ang kikitain sa darating niyang exhibition fight sa December ay mapupunta sa mga pamilyang naapektuhan ng digmaan sa Ukraine.

May mga nakatakda ring mabiyayaan ng kaniyang housing project na Pacman Village.

May plano rin siyang magtayo sa GenSan ng medical center, na isang ospital na puwedeng hotel. --FRJ, GMA Integrated News