Sandamakmak daw na gamit ang nilalaman ng everyday bag ng isang vlogger. Lahat daw kasi ng kaniyang kailangan, mula sa wallet at make-up kit hanggang sa super glue at lip roller, present sa kaniyang bag.
Sino ang vlogger na ito? Kilalanin.
Sa kwento ni Vonne Aquino sa programang “Dapat Alam Mo!”, ibinahagi ng vlogger na si Ash del Rosario o Ashley ang tila girls scout niyang pag-uugali dahil sa laman ng kaniyang bag.
Aniya pa, bread and butter daw sa kaniyang social media account ang video content na ‘What’s in my Bag’ o pagpapakita ng kung ano-anong laman ng bag.
“Sa part po ng mga babae, satisfying po ‘yung what’s in my bag’ content. Gusto ko rin iparating sa kanila na ang pagdadala po natin ng bag ay hindi lang po puro kakikayan, dapat functional din ito,” ani Ashley.
Maituturing na parang bestfriend ng iba ang kaniyang bag dahil maaaring maging ka-holding hands sa mga lakad sa kahit anong oras at laging dependable sa mga pangangailangan.
Gayunman, aminado si Ashley na mabigat ang kaniyang bag. Pero giit niya, ayos lang naman ito kaysa magkulang ang kaniyang mga dala-dala.
“Actually, masarap din po sa feeling ang small bags. Magaan siyempre, kaso lang always ko pa ring preferred ‘yung medium bags o large sa sized bags kasi mas functional siya para sa akin. About 80% of the items inside my bag are used naman po everyday, dagdag pa ng dalaga.
Samantala, nagtuturo rin si Ashley kung paano panatilihing organized ang loob ng bag.
Ayon sa kaniya, kailangan daw naka-categorize ang mga gamit batay sa purpose o function ng mga ito tulad ng emergency pouch, technology pouch, first-aid pouch, toiletry pouch, at kikay kit.
Sinabi ni Dr. Raul Gaña, isang psychologist, na hindi masama ang maging maayos sa gamit pero maituturing na raw itong disorder kung nagdudulot na ito ng anxiety sa isang tao.
“Nagiging masama lang kung sabi nga natin nagiging over fixated siya doon sa isang bagay kapag hindi na nagiging normal ‘yung functioning niya parang paulit-ulit na lang tinitignan nila kung tama ba ‘yung ginawa nila, tama ba ‘yung pagkakalagay ng tag nila,” paliwanag ni Gana.
Pero para kay Ashley, ang pagiging neat at clean ay malaking kabawasan ng stress.
“Importante po para sa akin na-organize ang mga gamit ko kasi organized bag equals organized mind. Kunwari, naka-encounter ka ng inconvenience, hindi na madadag-dagan ang stress mo kasi hahanapin mo pa dun sa bag mo kasi nga kunwari hindi siya organized,” diin pa ng vlogger. - Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News