Nakipag-bonding si Juancho Triviño bilang si Padre Salvi sa kaniyang batang fans, at nagbirong naghahanap siya ng bagong sakristan na papalit kay Crispin.

Sa kaniyang latest Instagram post, mapapanood ang video ni Juancho na nakagayak bilang si Padre Salvi, kasama si Kiel Rodriguez na gumaganap bilang si Mang Renato sa hit historical portal fantasy series na "Maria Clara at Ibarra.”

Nagbiro si Juancho na hindi nila mahanap si Crispin kaya kailangan nilang maghanap ng batang gustong magsakristan.

Hindi naman mapigilan ng mga bata ang kanilang excitement nang makita si "Padre Salvi," kaya nagtaka siya kung bakit siya sinisigawan ng mga ito.

Nakipagkamay din ang mga bata, kaya nagtaka si "Padre Salvi" sa kakaiba nilang asal.

"'Di yata mga sugo ni Ibarra ang mga batang ito," birong text ni Juancho sa video.

"LF: Replacement Sacristan; Cannot find the last 2, for reference please call : Sisa 0917-SISA" biro naman ni Juancho sa caption. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News