Namangha ang fans na sumakto ang episode ng "Maria Clara at Ibarra" na tampok ang isang blood moon, ngayong Martes ng gabi kung saan nagkaroon din ng total lunar eclipse na kung tawagin ay Blood Moon.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing ang paglitaw ng blood moon sa episode ay nagbigay ng pag-asa kay Klay, na ginagampanan ni Barbie Forteza, na makabalik na siya sa kaniyang pamilya matapos mapunta sa mundo ng “Noli Me Tangere.”
Posibleng ito na rin ang huling pagkikita nina Klay at Sisa, na ginagampanan naman ni Andrea Torres.
"Kailangan niyong panoorin kung makakabalik ba si Klay sa present time, at kung makakapiling niya na ba ang kaniyang pamilya, or mananaig ba 'yung pagmamahal niya sa mga characters na nakilala niya sa nobela," sabi ni Barbie.
"Kasi siyempre sinabi niya kay Mr. Torres tutulungan niya (Klay) 'yung mga tao na nandito," dagdag ni Barbie.
Ang Blood Moon ay isang phenomenon kung saan namumula ang isang full moon tuwing nagkakaroon ng total lunar eclipse.
Matatandaang naging sakto rin ang pag-ere ng episode ng pagkawala sa katinuan ni Sisa sa Undas, sa mismong Araw ng mga Patay.
"Hindi ko alam kung talagang sinasadya nila 'yan or nagkataon lang. Kung nagkakataon lang, grabe naman 'yon," sabi ni Barbie. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News