Para kay Rabiya Mateo, isang simpleng "paying it forward" ang ginawa niyang pagtulong sa mga na-scam na drag queens, dahil nakaranas din siya ng mga hamon sa buhay.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing matatandaang pinatuloy ni Rabiya sa kaniyang condominium unit ang mga drag queen na lumuwas mula Baguio para sa paligsahan sa Metro Manila.
Bago nito, nakita niya ang mga post ng drag queens na naloko umano ng nirentahan nilang accommodation.
Nakaramdam ng awa si Rabiya kaya agad niyang inalok ang kaniyang condo para pansamantala nilang tuluyan.
"Nakita ko 'yung pictures nila na nakatayo lang sila because they got scammed. Wala talaga silang masyadong kilala dito sa Manila. Naawa talaga ako, and since I'm living around BGC tsaka I have my own space naman, I don't think naman na dapat magdalawang isip ako na tumulong sa kanila," sabi ni Rabiya.
Hindi naman inasahan ni Rabiya na magiging viral ang kaniyang pagtulong dahil "paying it forward" lamang ang kaniyang ginagawa.
"For me talaga it's nothing eh. Dati, nasa receiving end ka eh, tapos ngayon you can offer something. Ang sarap niya pala sa feeling," anang Miss Universe Philippines 2020 titleholder at "TiktoClock" host.
Nagpaalala rin si Rabiya sa publiko na mag-ingat sa mga binu-book online para maiwasan ang scam.
Nanawagan din siya sa mga mabubuting loob na abutan ng tulong ang mga nasalanta ng Bagyong Paeng sa Balasan, Iloilo, na kaniyang hometown. — Jamil Santos/VBL, GMA News