Bago naging artista at makikilala sa kaniyang iconic role na si Onay sa "Onanay," ikinuwento ni Jo Berry na nagtrabaho muna siya bilang isang call center agent sa isang BPO company, at kung paano niya tiniis ang ilang kliyenteng galit.

Sa nakaraang episode ng Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga," sinabi ni Jo na nagtrabaho muna siya nang dalawang taon bilang isang customer service representative na humahawak ng mga debit, credit at travel card ng mga customer sa abroad tulad ng US, Australia at Canada.

Bilang isang agent, hindi rin naiiwasan ni Jo na makaengkuwentro ng mga kliyenteng mainit ang ulo habang idinudulog ang kanilang mga problema.

"Kasi siyempre tayo rin naman kapag may problema tayo and kailangan natin ng pera, kaso kailangan din naming mag-stick po doon sa verification muna to avoid na magkaroon ng fraudulent activities," sabi ni Jo.

Kaya naman matinding pasensya ang binubuno ni Jo para matugunan ang pangangailangan ng mga customer.

"Kailangan ding ipaintindi sa kanila na wala rin akong magagawa as an agent kasi kailangan ang process na 'yon para ma-open 'yung account and matulungan sila."

Muling binalikan ni Jo ang pagsisimula niya sa showbiz, nang mag-audition siya para sa isang role sa Magpakailanman dahil sa "dare" ng kaniyang kuya.

"Nagsimula po siya sa dare lang. 'Yung kuya ko po kasi inaasar niya ako na puwede sana ako doon sa hinahanap na role for Magpakailanman, kaso lang wala akong pleasing personality. Bilang gusto kong patunayan na magkakaroon ako ng experience sa audition with showbiz, nag-audition po ako, tapos binigay naman nila sa akin," sabi ni Jo.

Ayon kay Jo, nagkataon noon na papirma na siya ng kontrata sa lilipatan niyang kumpanya, nang ialok din sa kaniya ang role bilang si Onay sa "Onanay".

"After two years po, tinawagan ako ng GMA na sinulat nila 'yung Onanay for me. Kung wala po akong work no'n, kung gusto kong tanggapin, nagkataon po na same week pipirma ako ng kontrata sa isang company na in-apply-an ko na. Pero ang pinirmahan ko 'yung kontrata ng teleserye, so nandito ako ngayon," masaya niyang balik-tanaw.

Sabi pa ni Jo, wala talaga sa isipan niya ang pag-aartista.

"Gusto ko talaga dati is maging lawyer," ayon kay Jo, na dahilan ng kaniyang pagtatrabaho sa BPO. "Gusto kong mag-ipon, gusto kong pag-aralin ang sarili ko. Tapos ayun, nag-shift po."

Ngunit nang mapansin niyang maraming tao ang nahahatiran niya ng inspirasyon, dito na unti-unting nagustuhan ni Jo ang showbiz.

"Noong Onanay po naramdaman ko na, kasi 'yung pinakamalakas na hatak sa akin is 'yung mga message na natatanggap ko na na-inspire sila, na napapanood nila ako sa TV. 'Yun naman po ang pangarap ko ever since, na maka-inspire ng ibang tao in my own little ways," paliwanag niya.

"So binigyan ako ng napakalaking platform, which is, nakikita nga [ako] sa TV. Kaya po nag-decide ako na gusto ko na 'to, gusto ko 'yung nagiging reaksyon ng mga tao and nakaka-inspire ako ng mas maraming tao rito," patuloy pa ni Jo. -- FRJ, GMA News