Very proud ang 48-anyos na si Ruffa Gutierrez para sa sarili nang nakapagtapos na siya sa kolehiyo. Ayon sa aktres, gusto niya ring maging magandang halimbawa sa mga anak para pahalagahan nila ang kanilang pag-aaral.

Sa isang segment Bawal Judgmental ng Eat Bulaga kamakailan, isa si Ruffa sa guest choices tungkol sa mga celebrity na nakapagtapos na may bachelor's degree ngayong taon.

"At any age po puwede kayong makapagtapos ng pag-aaral, and it's okay to further your education. Ginawa ko po 'yun during the pandemic. You have to be active and 'yung mind mo kailangang mag-work pa rin," sabi ni Ruffa tungkol sa kaniyang karanasan.

"Time management is key. With the help of my friends, my parents, at saka ng mga anak ko, gusto ko talagang tapusin," dagdag ng aktres at dating beauty queen.

Matatandaang nagmartsa si Ruffa sa Philippine International Convention Center nitong Setyembre matapos makakuha ng bachelor's degree in communication arts sa Philippine Women's University sa edad 48.

At ngayon, sumasailalim na rin siya sa kaniyang masteral studies sa Communication Arts sa PWU pa rin.

"Nu'ng nag-graduate ako ng Bachelor of Arts college degree, imagine graduating at my age... after not studying for more than 30 years, hinahanap ko na ngayon. Na-adik na ako, sabi ko 'Ano pa ang puwede kong pag-aralan, mag-certificate course ba ako or ipagpatuloy ko?' So naisip ko ipagpatuloy na lang. So I'm very proud about that," sabi ni Ruffa.

Full-support ang mga anak ni Ruffa sa kaniyang pagtatapos, habang pinayuhan naman niya ang mga anak na tapusin din ang kanilang pag-aaral.

"Iyak ako nang iyak, pero mas naiyak 'yung mga anak ko. Kasi noong nakita kong happy sila. Ngayon sabi ko 'O, wala na talagang dahilan para hindi kayo mag-aral. Kailangan talaga mag-aral kayo and follow your mom's footsteps."

"Kasi 'yung mga anak ko parang, 'Hmm hindi ka naman nakapag-aral.' Excuse me, street smart naman ako. I've been working at the age of 13, 13 years old nag-aaral na ako. Pero iba pa rin talaga kung may degree ka," dagdag ni Ruffa.

Ayon pa kay Ruffa, gusto niyang maging ehemplo rin ng kaniyang mga anak sa kanilang pag-aaral.

"At least kapag nakikita nila nag-aaral 'yung nanay nila, mas magpupursigi silang mag-aral din," saad niya.--FRJ, GMA News