Nagkasundo sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos na maging "smart" ang kanilang relasyon, at tatrabahuhin nila ito para maiwasan na maging toxic.

"When we started the relationship, we agreed na it should be a smart one. We have to work our way towards having a healthy relationship. Kasi, sino ba ang may gusto ng toxic relationship, 'di ba? Ang sakit nu'n sa ulo," sabi ni Gabbi sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa “24 Oras” nitong Miyerkoles.

"Talagang nag-agree kami na no matter what we do, at the end of the day, we need to have smart decisions together," dagdag ni Gabbi.

Gayunman, hindi rin nililimitahan ng "GabLil" ang mga sarili nila sa mga project na magkasama.

"Definitely okay ako doon at okay din siya doon, pagka ako meron din akong mga projects on my own. Very important for career growth para siyempre mas lumawak pa 'yung experience namin, 'yung filmography namin," sabi ni Khalil.

Nilibot nina Gabbi at Khalil kamakailan ang Los Angeles, San Diego, San Francisco at Napa Valley sa California sa loob ng isang buwan.

Ito ang first trip ng magkasintahan na sila lang at hindi kasama ang kanilang mga magulang.

"Pinaka-memorable na pinuntahan namin sa buong trip na 'yun would probably be the Joshua tree talaga. Kasi iba eh, ang saya kasi you feel like the world is so much bigger than you," sabi ni Gabbi.

Makikita ang ilang sweet moments ng GabLil sa Joshua Tree National Park sa Instagram ni Gabbi na may caption na "will never forget this sunset <3."

"Sobrang breathtaking ng views, ng sceneries. 'Yun ang pinaka-memorable for the both of us. Na-appreciate namin ang ganda ng mundo natin," ani Khalil.

Mas lubos din na nakilala ni Gabbi si Khalil sa bakasyon.

Pangamba ni Gabbi noon na baka mag-away sila ni Khalil sa trip, pero hindi naman ito nangyari at mas nagkasundo pa ang kanilang personality.

Nagkasundo pa ang magkasintahan sa food trip.

Nagpasalamat din ang magkasintahan na sila ang napili na mag-cover ng isang magazine. — Jamil Santos/VBL, GMA News