Sinubaybayan ng viewers ang world premiere ng "Start-Up PH," na adaptation ng hit Korean series. Ang mga bida nitong sina Alden Richards at Bea Alonzo, trending sa Twitter Philippines.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ipinakilala na sa first episode ang karakter ni Bea bilang ang go-getter na si Dani Sison.
Ito ang first starting role ni Bea bilang Kapuso.
Nagbahagi naman si Bea ng ilang behind the scenes ng masasaya nilang moments sa set bago ang world premiere.
Nagtapatan na agad sila ni Ina Diaz, karakter ni Yasmien Kurdi, ang wanna-be, independent at batang CEO na kapatid at magiging karibal ni Dani.
Ipinakilala na rin si Dave Navarro na isang IT genius, na ginagampanan ni Jeric Gonzales.
Gumaganap naman si Gina Alajar bilang si Lola Joy, ang loving lola nina Dani at Ina.
Natunghayan din ng viewers si Alden bilang si Tristan Hernandez, aka Good Boy, na dumaan sa humble beginnings bago naging successful investor.
"We're very happy, nagustuhan ng Filipino audience at mga Kapuso natin 'yung pilot episode ng Start-Up PH and we can't wait. Patikim pa lang 'yan sa mga more beautiful episodes and more beautiful story-telling para sa adaptation ng Start-Up," sabi ni Alden.
Nag-numero unong trending sa Twitter Philippines ang #SUPHWorldPremiere.
Nagtrend din si Alden at Good Boy Tristan, pati na rin si Bea.
Nagbigay din ng maraming positibong komento ang netizens, kung saan ang ilan ay fans ng original na Start-Up.
Kinilig din ang marami sa accidental meeting scene nina Alden at Bea.
Gumawa rin ang iba ng fan art tampok ang Start-Up PH lead stars.
"This is our first actual job together as an actor and as an actress. Thank you po dahil na-appreciate niyo kami, kasi iba rin naman 'yung effort ni Bea dito sa show na ito," sabi ni Alden.
Napanood na rin ang Pinoy version ng Sandbox, isang mahalagang lokasyon sa show kung saan magsisimula ang journey ng mga bida.--Jamil Santos/FRJ, GMA News