Magkahalong excitement at kaba ang naramdaman ni Michelle Aldana nang makatrabaho niya ang isa sa pinakamagaling na aktres sa bansa na si Jean Garcia para sa kaniyang unang TV series na "Nakarehas Na Puso."
Pero laking tuwa niya nang turuan pa siya ni Jean sa mga eksenang sampalan at sabunutan.
"I was so flattered to be working... alam naman natin si Ms. Jean Garcia, siya talaga 'yung ultimate kontrabida sa Philippine cinema, sa Philippine television," sabi ni Michelle sa ArtisTambayan.
Nagpasalamat si Michelle sa kaalamang ibinahagi sa kaniya ni Jean pagdating sa mga eksena na may pisikalan.
"I was so, so excited to work with her, pero may kaba. But then, we started working tapos sabi niya, meron kasi kaming mga sabunutan, ganiyan, sabi niya 'Huwag kang matakot diyan, ganito lang ang gagawin natin diyan,'" anang aktres.
"She explained to me na, kasi hindi ko pa nagawa 'yun ever 'yung sabunutan. Tapos merong sampalan, pero 'yung sabunutan sabi niya 'Ganito lang 'yan' and then she explained it to me," dagdag ni Michelle.
Natapos daw ang eksena na hindi sila tunay na nagkasakitan ni Jean.
"Hindi kami nagkasakitan or whatever. 'O sige ganiyan ganiyan' tapos, ayan na! Palakpakan. It was so nice."
Inilarawan ni Jean ang kaniyang co-actors bilang mga "napakahusay" at "generous."
"Itong si Leandro (Baldemor), napaka-generous din na aktor niyan. 'Sige halika, throw lines na tayo.' May feedback agad."
Sa naturang series, gumaganap si Jean bilang ang inang si Amelia na naghangad bigyan ng magandang buhay ang mga anak, pero nagkamali ng tinahak na landas at nakulong.
Sa kaniyang paglaya, malalaman ni Amelia na iba na ang buhay ng kaniyang pamilya. Karelasyon na ng asawa niyang si Jack (Leandro Baldemor) ang best friend niyang si Doris, na ginagampanan ni Michelle.
Gumaganap sina Vaness Del Moral, Edgar Allan Guzman, at Claire Castro bilang sina Lea, Miro at Olive, na mga anak ni Amelia.--FRJ, GMA News