Sa muling pagbabahagi ni Kris Aquino ng kalagayan ng kaniyang kalusugan, inihayag niya na posibleng may nakita pang autoimmune condition sa kaniya, at magiging pang-lima kung sakali. Uumpisahan din ang kaniyang gamutan, kasama na ang chemotherapy kahit 'di cancer ang karamdaman niya.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Kris ang larawan na kasama niya ang mga anak na sina Josh at Bimby. Ayaw daw sana niyang mag-post ngunit nagkaroon siya ng linaw tungkol sa sitwasyon ng kaniyang kalusugan.

Huling nag-post si Kris noon pang Hunyo.

Pinasalamatan ni Kris ang kaniyang mga kaibigan at pamilya sa Pilipinas para sa kanilang mga panalangin, kasabay ng pagsasabing aalisin na ang kaniyang Peripherally Inserted Central Catheter o PICC Line sa kaliwa niyang braso, na magpapahintulot sa kaniya para makapagpahinga.

"There have been times [I] wanted to give up-because of fatigue & being forever bedridden; the bruises all over my body that suddenly appear; my inability (since February) to tolerate solid food; headaches; bone deep pain in my spine, knees, joints in my fingers; and my constant flares esp. in my face that just keep getting worse..." saad ng Queen of All Media.

 

 

Ngunit hindi raw siya maaaring sumuko dahil kailangan pa siya ng kaniyang mga anak, at umaasa ang mga mahal niya sa buhay na gagaling siya.

"BUT [I] remind myself Kuya & Bimb still need me & mahiya naman ako sa lahat ng mga patuloy na nagdarasal para gumanda ang kalusugan ko if [I] just give up."

Ayon kay Kris, nasa Houston, Texas na ngayon ang kaniyang pamilya, at uumpisahan na ang kaniyang gamutan kabilang ang chemotherapy.

“[I] am grateful to be blessed to have the means for us to move to another state, and have more tests done and go to other specialists; and finally start my immunosuppressant therapy.”

Nilinaw ni Kris na bagama't hindi cancer ang kaniyang sakit, kinakailangan pa rin niyang sumailalim sa chemotherapy, na posibleng malugas ang kaniyang buhok.

"Hair will eventually grow back but permanently damaged organs won’t—so dedma muna sa vanity,” saad ni Kris.

Ibinahagi naman ni Kris ang “love [and] gratitude” ng kaniyang pamilya sa kanilang “new friends [and] guardian angels in Houston.”

“Naguluhan si Ate [Ballsy Aquino-Cruz] during the Zoom Q&A: to clarify [when] we left, I was already diagnosed with [three] autoimmune conditions. It was while here in Houston that [I] was diagnosed with a [fourth].”

Bago nito, na-diagnose si Kris na mayroong autoimmune thyroiditis, chronic spontaneous urticaria, at ultra-rare na eosinophilic granulomatosis with polyangiitis, na sinabi niyang “life threatening.”

“Unfortunately all my physical manifestations are pointing to a possible [fifth]—opo, pinakyaw ko na!” anang actress-TV host.

"Good night & God bless to all with #lovelovelove from Kuya, Bimb, and me," pagtatapos ni Kris.--FRJ, GMA News