Inamin ni Elle Villanueva na may pagka-bad boy ang first impression niya kay Derrick Monasterio, na leading man niya sa GMA series na "Return to Paradise."

Sa podcast na Surprise Guest with Pia Arcangel, masayang ikinuwento ni Elle ang unang araw na nakita niya si Derrick kaugnay sa paghahanda nila noon sa kanilang proyekto.

"Si Derrick kasi, pagpasok kasi nI Derrick mukha siyang ano... bagong gising. Tapos hindi siya masyadong nagsasalita pa kasi, siguro bagong gising. Tapos the way he walks, the way he talk parang may pagka-bad boy vibe siya," lahad ni Elle.

"So 'yon yung first impression ko sa kaniya. Pero nung nakausap ko na siya, parang okay naman pala, parang nung nakasama ko na siya sa isla, nagkukuwento siya nung mga things about his life, may lalim. Sabi ko, parang hindi naman pala bad boy, na judge ko lang siya nang maaga. Good boy naman pala," patuloy ng young actress.

Nilinaw naman ni Elle na hindi naman kaagad siya na turn-off kay Derrick dahil sa may pagka-bad boy ng dating ng aktor.

"Usually kasi kapag nakikita akong bad boy hindi naman sa turn-off pero parang alam ko lang ang limitations ko parang ganun," paliwanag niya.

Samantalang si Derrick, sinabi na natuwa siya nang malaman niyang makakatambal niya si Elle sa "Return to Paradise."

"I don't know her personally pero nakikita ko siya sa social mdia. Sabi ko, 'Ang ganda naman nitong babaeng 'to,'" natatawang saad ng aktor. "So nung siya yung naka-partner ko parang sabi ko, 'Uy, okay this gonna be interesting kasi I found her really pretty na before."

Idinagdag ni Derrick na naging komportable agad siyang makatrabaho si Elle dahil na rin sa paraan ng pagtanggap sa kaniya ng aktres.

"When I saw her doon ko na-feel yung comfort. When I first saw her sa workshop kasi sabi ko sa kaniya, kasi iba yung vibe na binigay niya sa akin na parang close agad," kuwento ni Derrick.

"May mga ganung tao e kapag nakita mo sila agad parang ay magiging close ko 'to. Mayroon naman yung parang sobrang close sa'yo na hindi ka makakapasok ganun. Pero sa kaniya parang naging click agad kami which is good," dagdag niya. --FRJ, GMA News