Sa double-digit ratings sa bawat episode at tinatayang 13 milyon nanonood gabi-gabi, ang Kapuso action-adventure series na "Lolong" ang pinaka-pinapanood na TV show sa Pilipinas ngayong 2022.

Mula nang ipalabas, tinututukan na ng mga manonood ang action-packed series na pinagbibidahan ni Ruru Madrid, at puno rin ng aral.

Batay sa Nielsen Philippines’ TAM data mula Enero  hanggang August 14, 2022, nangunguna ang dambuhalang adventure-serye sa mga palabas sa bansa na may combined average people rating na 15.6 percent (GMA at GTV) sa Total Philippines.

Kasama sa top ten most watched programs in Total Philippines sa naturang panahon ang Kapuso programs 24 Oras, Kapuso Mo, Jessica Soho, First Lady, Happy Together, The World Between Us, Magpakailanman, Bolera, I Left My Heart in Sorsogon, at Jose & Maria’s Bonggang Villa. Nasa pang-11 puwesto ang FPJ’s Ang Probinsyano, na ipinalabas kamakailan ang finale episode.

Pero hindi doon nagtatapos ang pamamayagpag ni "Lolong." Mula Agosto 15 hanggang 19 lang, nakapagtala ang dambuhalang serye ng combined (GMA at GTV) average number na mahigit 13 million viewers per episode sa Total Philippines.

Patuloy din ang paggawa nito ng record-high numbers nang pumalo ang combined (GMA at GTV) people rating nito sa 18 percent sa National Urban TV Audience Measurement sa overnight ratings noong Martes (Agosto 23).

At noong Miyerkules, (Aug. 24), sinibasib ni "Lolong" ang highest rating na may combined people rating na 18.3 percent. Halos doble sa nakuha ng karibal nitong programa na Darna, na mayroon lang na combined people rating na 9.7 at 9.4 percent sa  nabanggit na mga petsa (TV5, A2Z, Kapamilya Channel, at Cinemo).

Ang "Lolong" ay istorya ng isang lalaki na si Lolong [ginagampanan ni Ruru], na may pambihirang abilidad at pambihirang kaibigan na dambuhalang buwaya na si "Dakila."

Kasama sa "Lolong" sina Shaira Diaz, Arra San Agustin, Jean Garcia, Bembol Roco, Malou de Guzman, Rochelle Pangilinan, Paul Salas, Marco Alcaraz, Mikoy Morales, Maui Taylor, at Mr. Christopher de Leon.

Ngayong Agosto, ipinakilala ang mga bagong karakter sa serye na kinabibilangan nina Vin Abrenica, Thea Tolentino, Alma Concepcion, Rafael Rosell, at Lucho Ayala.

Napapanood ang "Lolong" mula Lunes hanggang Biyernes, sa GMA Telebabad, 8PM pagkatapos ng "24 Oras" at 9:40 PM sa GTV.

At sa mga Kapuso abroad, mapapanood ito sa GMA Pinoy TV. --FRJ, GMA News