Para kay Jak Roberto, sulit para sa mga in love sa kanilang best friend na sumugal at aminin kung ano ang tunay nilang nararamdaman.
"Ipagpatuloy niyo lang 'yung pagsuporta at pagmamahal niyo sa best friend niyo. Ipagpatuloy niyo lang," sabi ni Jak sa isang press conference ng Kapuso series na "Bolera" nitong Lunes.
"Kahit anong mangyari, win-win situation 'yan. Isugal niyo lang," dagdag ni Jak.
Sinabi ni Jak na mas maiging sumugal at magpakatotoo kaysa mag-alinlangan at mamuhay na mayroong "what if" sa buhay.
Sa naturang series, gumaganap si Jak bilang si Toypits, kababata ni Joni, na ginagampanan ni Kylie Padilla.
Si Toypits ang unang mentor ni Joni sa bilyar, at kalaunan ay kaniya ring naging manager.
Sa kuwento, hindi maiwasan ni Toypits na malito sa kaniyang pagmamahal kay Joni bilang best friend, at ang kaniyang pag-ibig sa dalaga.
Huling linggo na ng "Bolera," na mapapanood sa GMA Telebabad tuwing 8:50 p.m. --Jamil Santos/FRJ, GMA News