Mariing pinabulaanan ni Kylie Padilla ang mga usap-usapan na buntis umano siya sa gitna ng shooting ng pelikulang "Unravel," kasama ang aktor na si Gerald Anderson.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kababalik lang ni Kylie mula sa Switzerland kung saan ginawa ang shooting ng pelikula.
Ayon pa kay Kylie, iresponsable ang ilang netizens sa pag-tag sa kaniya sa mga kumakalat na balitang buntis siya.
"Wala pong katotohanan sa mga lumalabas," natatawang sagot ni Kylie, na napapanood sa Kapuso series na "Bolera."
"Magkaibigan lang po kami ni Gerald. Super professional lang po ang relationship namin. Nothing else," paglilinaw niya.
"Nakakainis ang dami," natatawang dagdag ni Kylie. "It's so out of this world na hindi po talaga siya totoo na naba-bother lang ako na baka may maniwala eh."
Ang pelikula nila ni Gerald ay sa direksyon ni RC Delos Reyes, sa produksyon ng Mavx Productions Inc.--Jamil Santos/FRJ, GMA News