Nag-enjoy si Kyline Alcantara sa kaniyang unang trip sa South Korea. Sumunod din sa kaniya si Mavy Legaspi para sulitin nila na magkasama ang magagandang scenic spots sa bansa.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing lumipad sa naturang bansa si Kyline bilang Honorary Ambassador ng Korean Tourism Organization.
Ayon sa aktres, pangarap talaga niyang makapunta sa mga lugar na nakikita lang niya noon sa mga sinusubaybayang K-drama.
"Hindi dahil ambassador ako ng KTO, pero masasabi ko talaga na sobrang ganda ng lahat ng tourist destinations sa Korea. Kahit hindi siya tourist destination, as in buong Korea," sabi ni Kyline.
Sa huling dalawang araw ng kaniyang trip, sumunod sa kaniya si Mavy.
"Nasa Busan po ako for the first three, and then sa last two days na sa Seoul na ako, doon lang naman po siya nag-stay," anang dalaga.
Sinulit nina Kyline at Mavy ang kanilang time na magkasama sila doon.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News