May bagong achievement si Mark Bautista matapos siyang makapagpatayo ng isang bahay para sa kaniyang pamilya na mayroon ding commercial space para sa kanilang negosyo sa Cagayan de Oro City.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa isang video ni Mark ang halos tapos na ang ipinagagawa niyang bahay.

"May commercial spaces sa ibaba and sa itaas. Ginawan ko ng para sa brother ko na cafe or restaurant. Tapos sa baba si mama, parang dream niya na magkaroon ng convenience store. So soon," sabi ni Mark.

Sinimulan ni Mark ang pagpapagawa noong nakaraang taon at naging hands on siya sa pagdisenyo, katuwang ang kaniyang kapatid.

Ang pagpapatayo ni Mark ng isang progressive building ay hugot niya mula sa mga aral na kaniyang natutunan sa nagdaang COVID-19 pandemic.

"Nag-iisip ako 'Shucks ano pa ang puwedeng gawin?' Like meron akong nabili na lupa before, matagal na na parang commercial lot, if mawalan ako ng trabaho or something, at least meron akong backup na plan," saad ng Kapuso singer.

Itinuturing ni Mark na achievement ang bagong bahay, lalo't ipagdiriwang din niya ang kaniyang ika-20 anibersaryo sa showbiz sa susunod na taon.

"I'm happy na unti unti nang nakikita ko 'yung result ng aking pinaghirapan. And talagang grabe 'yon, talagang hindi ako gumagastos sa Manila, talagang hindi lumalabas, hindi nagpa-party, talagang sobrang focused at sobrang dinidisiplina ko 'yung sarili ko."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News