Iniidolo at ginagaya ngayon ng mga kabataan si Ruru Madrid dahil sa kakaibang tapang at lakas ng kaniyang karakter na si Lolong. Kinagiliwan din nila ang Lolong filter na kaya silang gawing buwaya na si Dakila.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing bukod sa tindig ni Lolong, mayroon din siyang kakaibang abilidad na pagalingin ang sarili.
Kaya naman patok na patok ito sa mga batang pinanonood ang Lolong.
"Nahulog ako sa bike tsaka hindi ako umiyak. Lolong ako," sabi ng isang batang lalaking umiidolo kay Lolong.
Ginagaya din ng ilang bata ang fight scenes ni Lolong, pati ang maskarang kaniyang suot sa tuwing ipinagtatanggol niya ang mga naaapi.
Ikinatuwa rin ng mga bata ang Instagram at Facebook filters kung saan puwede silang mag-transform bilang ang kaibigan ni Lolong na si Dakila.
Kaya naman hindi rin nagpahuli maging ang mga young at heart.
Nakisali rin sa Lolong filter ang ilang celebrities tulad nina Rochelle Pangilinan, Maui Taylor at mga Kapusong sina Kara David at Nelson Canlas.
"Nakakataba ng puso 'yung ganiyang klaseng mga balita o 'yung mga ganiyang klase ng mga napapanood natin sa social media. Or every time na may mga bata na umiidolo sa iyo kasi, ganiyan din ako dati eh. Noong bata ako naalala ko noon ang buhok ko [inaayos] ko dahil ako si Aquano, 'yung Atlantika ni Kuya Dong (Dingdong Dantes)," sabi ni Ruru. —LBG, GMA News