Isang higanteng "buwaya" na 22 talampakan ang namataan sa Antipolo at ilang bahagi ng Metro Manila nitong Sabado.
Sa ilang larawan, makikitang nakatali ang bibig at katawan ng nasabing "buwaya" at nakapiring din ang mga mata nito habang sakay ng isang truck.
Namataan ang "buwaya" na idinaan sa Circumferential Road sa Antipolo at sa tapat ng Marikina Clock Tower Arch.
Dahil dito, tumitigil o bumabagal din ang mga kotseng nakakasalubong ng buwaya sa mga kalsada.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, inihayag na ang buwayang namataan ay ang animatronics na si "Dakila" ng Kapuso action-adventure series na "Lolong."
Pinagkaguluhan naman si Lolong ng mga motorista at iba pang dumaraan.
Mula Antipolo, dumaan din si Lolong sa Marikina, Pasig at Mandaluyong, at sa Quezon City.
Ginagamitan si Dakila ng hydraulics o air compressor para makagalaw.
Gawa ang kaniyang katawan sa fiberglass at silicon naman ang kaniyang balat para maging mas makatotohanan.
Mapapanood na ang Lolong simula Hulyo 4 sa GMA Telebabad. —Jamil Santos/VBL, GMA News