Inilahad ni Thea Tolentino na nakaranas siya ng quarter life crisis noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Pero totoo nga bang naghanap din siya ng ibang trabaho bukod sa showbiz?
"Noong nag-scroll ako, kasi nitong huli, as in tinry kong mag-apply, kasi gusto ko nang [magka]experience sa corporate world," kuwento ni Thea sa "Mars Pa More."
Paglilinaw ng aktres, hindi naman ito nangangahulugan na aalis na siya sa showbiz. Nais lang daw niyang maghanap ng ibang hanapbuhay kung sakaling muling matigil ang trabaho niya bilang isang artista.
"Parang quarter life crisis na feeling, na parang, 'Ito lang 'yung alam ko? What if magkaroon ng pandemic ulit tapos na-stop 'yung mga projects?' Work from home, 'yung puwedeng gawin. Kasi ang hirap din mag-shoot from home at saka nahihirapan talaga mag-isip ng content," ani Thea.
Ibinahagi rin ni Thea na nakakita siya ng mga kumpanyang hiring pero hinahanapan na agad ng experience ang mga fresh graduate.
"Kaya na-encounter ko 'yon, nakikita ko na, 'Fresh graduate, preferrably with two years experience,'" natatawa niyang sabi.
Taong 2020 pa nakapagtapos ng pag-aaral si Thea sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Arts in Business Administration sa Trinity University of Asia. Pero dahil sa COVID-19 pandemic, sa online muna ginawa ang kanilang seremonya ng pagtatapos.
Nakuha naman ni Thea ang kaniyang graduation picture nitong Hunyo.
"Masarap sa pakiramdam dahil achievement siya para sa akin. Napagsabay ko ang dalawang bagay na importante sa akin. Nahirapan man ako sa schedule, pero worth it." --FRJ, GMA News