Kinondena ng kampo ni AiAi delas Alas ang ipinasang resolusyon ng Konseho ng Quezon City na nagdedeklara sa aktres at sa isang direktor bilang "persona non grata."

Ang naturang resolusyon ay bunga umano ng pambabastos ni AiAi at direktor na si Darryl Yap, sa official seal ng lungsod batay sa isang video post sa social media.

Sa pahayag, sinabi ni Atty. Charo Rejuso-Munsayac, na mapanganib ang naturang resolusyon na sisikil sa kalayaan ng pagpapahayag.

“We strongly condemn this act of the Quezon City Council which endangers the protection granted by the freedom of expression for artists, entertainers, content creators, and comedians who use satire or parody to express sentiments or criticize public acts or figures,” sabi sa pahayag.

Malinaw din umano na "satire" at "parody” lang ang video na hindi dapat siniseryoso.

“It is not intended to be a statement of fact and is clearly not meant to (be) taken seriously by the audience,” saad pa sa pahayag. “The video was obviously intended to be watched and taken as a whole, all elements being fictitious, including the seal behind the character portrayed by my client.”

Una rito, naghain ng resolusyon si outgoing District IV Councilor Ivy Lagman upang ideklarang persona non grata sina AiAi at direk Yap dahil sa umano'y “malicious and unscrupulous defacing” ng Quezon City seal sa video na inilabas noong panahon ng kampanya sa Vincentiments Facebook page ni Yap.

Sinabi ni Yap na maglalabas siya ng pahayag tungkol sa isyu. – FRJ, GMA News