Inilahad ni Kuya Kim Atienza ang isa sa mga hindi naging magandang karanasan niya sa buhay na nagsilbi namang aral at nagpapatag din sa kaniya.

"Noong nagseminaryo ako, masyado akong na-depressed. At noong na-depressed ako, pagkatapos kong umalis sa seminaryo, bumalik ako sa ordinary high school, nagwala ako nang todo-todo," kuwento ni Kuya Kim sa programang "Mars Pa More."

Ayon kay Kuya Kim, nagpariwara siya na naging dahilan ng pagbagsak niya sa high school.

"I was in my teens. Nagsigarilyo ako, sinubukan ko ang lahat ng bagay, hindi ko na sasabihin sa inyo kung ano ang mga sinubukan ko, bumagsak tuloy ako ng eskuwelahan. But that was because of depression dahil doon sa ilang taon ko sa seminaryo," patuloy pa ng TV host.

Kaya naman payo ni Kuya Kim sa kaniyang mga anak: "Mag-aral kayo nang husto sa high school at sa college, and then after that, you can relax and then leave it."

Pinatatag daw si Kuya Kim ng kaniyang karanasan.

"Pero it made me who I am now. I am successful because of all these mistakes that I have corrected and made me stronger."

Dati nang inilahad ni Kuya Kim na nais sana niya noon na magpari at dalawang taon ang ginugol niya sa seminaryo.--FRJ, GMA News