Nag-viral at umabot na sa 17 milyong views ang vlog ng batang Batangueña na si "Kulot," na kinaaliwan ng netizens dahil sa pagsrmon at pagpapauwi sa kaniyang amang nasa "barikan" o inuman.
Kabilang si Kulot, o Princess Katherine Caponpon, anim na taong gulang, sa mga viral kid na itinampok ng "Eat Bulaga" segment na "Bawal Judgmental" kamakailan.
Mapapanood sa viral video si Kulot na may pamalong dala at binalaan ang kaniyang tatay na papaluin niya ito sa puwet kapag hindi pa umuwi mula sa "barikan" o inuman.
Sa mga tanong EB dabarkads, sinabi ni Kulot na ang kaniyang nanay ang nag-utos sa kaniya na pauwiin na ang kanilang padre de pamilya.
Aliw na aliw ang mga dabarkads sa punto, talas sa pagsasalita at paggamit ni Kulot ng salitang Batangas.
Napag-alaman ni Kulot mismo ang nag-isip na mag-vlog siya.
Tinanong ni Maja Salvador si Kulot kung gusto na niyang mag-artista.
"Oo siyempre!" agarang sagot ni Kulot.
Sunod nito, tinanong ni Maja kung gusto ni Kulot na gawin siyang manager.
"Uho! [Oo]" tugon ni Kulot, na ang ibig sabihin ay "Bakit naman hindi?"
"Hahanapin kita diyan sa Batangas," sabi ni Maja kay Kulot.
"Kaya nga sinasabi ko sa'yo, susunduin kita diyan kung nasaan ka man. Maghanda ka na. Dala ko ang kontrata, hindi module," dagdag ni Maja.
Sinabi ni Jose Manalo na puwede nang hindi mag-aral si Kulot kapag nag-artista dahil kikita na siya ng pera.
Pero sabi ni Kulot, kailangan pa rin niyang mag-aral dahil, "kung hindi ako mag-aaral, ay lagapak ho ang puwet ko sa nanay ko."
Panoorin ang nakakaaliw nilang kuwentuhan kay Kulot na nagreklamo rin tungkol sa modules na, "hindi na natapos-tapos."
--FRJ, GMA News