Tamang "senti" si Kokoy de Santos nang magkuwento tungkol sa kaniyang karanasan na maging bahagi ng "Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento."

Sa Kapuso Showbiz News, aminado si Kokoy na kinabahan siya nang una niyang malaman na siya ang gaganap na younger version ni "Patrick."

Sa original story ng "Pepito Manaloto," si John Feir ang gumanap na Patrick na kaibigan ni Pepito, na ginampanan ni Michael V.

“Natakot talaga ako noong una kasi alam naman natin na very iconic 'tong si Patrick sa 'Pepito Manaloto.' At para ipagkatiwala sa akin ng GMA yung role, nakakakaba talaga yon, nakaka-pressure," kuwento niya.

Pero nagtiwala raw siya sa kaniyang mga katrabaho at sa kaniyang sarili, at nag-"dive" na siya bilang si Patrick.

Dahil sa magandang samahan na nabuo nila sa comedy series, sinabi ni Kokoy na magiging bahagi na ng kaniyang buhay ang "Pepito..."

"Yung samahan namin sa 'Pepito...', iba eh. Sa lahat ng mga nagawa kong projects magkakaiba 'yan eh. Pero iba rin 'tong 'Pepito...' dahil hindi kami lock-in [taping]. Para kaming nasa setup na hindi pandemic," lahad niya.

"Kapag kasi lock-in, iba rin yung sepax (separation anxiety) eh ang tagal niyong magkakasama kunwari isang buwan, tapos 'pag nag-alisan kayo parang... Ito kasi parang isang buong taon yata kaming nagkikita tapos may mga ganap kami lagi every time na walang taping," patuloy niya.

Ayon kay Kokoy, habambuhay na niyang babaunin sa journey niya ang "Pepito..."

"Hindi lang sa industriya na ito kundi sa habambuhay talaga," saad niya. --FRJ, GMA News