Handa nang sumabak si Marian Rivera sa taping sa set at tumanggap ng mga project matapos ang halos dalawang taon ng COVID-19 pandemic. Tinatrabaho niya na rin ang sitcom na pagsasamahan nila ng asawang si Dingdong Dantes.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, mapapanood ang pisikal na pagdalo ni Marian sa contract signing ng bago niyang endorsement.
Bago nito, bihirang tumanggap si Marian ng trabaho sa labas at pumunta sa mga face-to-face event.
Ayon sa Kapuso Primetime Queen, ito na ang hudyat na handa na siyang mag-taping on-location dahil fully vaccinated at boosted na siya, at mababa na rin ang COVID-19 cases.
Kaaabangan naman ang sitcom na pagsasamahan nina Marian at Dingdong.
"Tapos na 'yung script niya, finalizing the cast, and then finalizing the date, but may mga date na kami. Reading kami and then after the reading ready to roll," sabi ni Marian.
Pinaghahandaan naman na ni Zia ang pagsalang sa face-to-face classes.
Nakasabay ni Zia sa second dose ng kaniyang bakuna ang ilan niyang kaibigan.
"Gusto talaga niya dahil looking forward siya na mag-face-to-face na sa school. Kasi sabi ko, 'Anak hangga't hindi ka fully vaccinated, hindi ka pwedeng pumasok sa school.' Sabi niya 'Mama I want the vaccine, I want to go to school,'" kwento ni Marian.
Gayunman, madalas pa rin na work from home si Marian tulad ng kaniyang spiels para sa Kapuso drama anthology na "Tadhana."
Enjoy si Marian kada taping dahil kasama niya ang buong pamilya.
Pinusuan pa ng netizens ang isang larawan ng Dantes Squad kung saan nag-ala cameraman si Sixto.
Ayon kay Marian, wala sa kaniyang problema kung maghayag ng interes sa showbiz ang mga anak, pero meron itong kondisyon.
"Aral muna sila. After mag-aral, makapagtapos sila, okay. Kahit anong gusto nila, we will support them," sabi ni Marian. — Jamil Santos/VBL, GMA News